Rodriguez, ‘di pa lusot sa ‘asukal’ probe
MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagbibitiw, tuloy pa rin ang imbestigasyon sa kontrobersyal na Sugar Order (SRO) No. 4 at sa umano’y kaugnayan dito ni dating Executive Secretary Victor Rodriguez na lumipat sa pagiging Chief of Staff ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, hindi matatakasan ni Atty. Rodriguez ang katotohanan kahit saang ahensiya ng gobyerno pa siya pumunta at huwag gawing ‘trip to Jerusalem’ ang serbisyo sa gobyerno dahil tinutugis siya ng kanyang konsensya.
Paliwanag pa ni Hontiveros, marami pang obligasyon ang dating executive secretary sa Senate Blue Ribbon Committee partikular na dito ang hinihingi sa kanya na hybrid minute meeting sa Malakanyang kung saan binabanggit ang importasyon ng 600,000 metriko toneladang asukal.
Magugunita na nagsara ang pagdinig ng komite at sa naging committee report na inayunan ng mayorya ng mga senador ay hindi kasama si Rodriguez sa mga kinasuhan dahil sa SRO No. 4.
Kabilang sa mga pinakakasuhan si dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian at tatlong opisyal ng Sugar Regulatory Administrator.
- Latest