Work-from-home muling itinulak ni Gatchalian para iwas traffic

Stock image of an employee working remotely.
Charles Deluvio via Unsplash / Stock

MANILA, Philippines — Upang maibsan ang lumalalang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang work-from-home (WFH) setup.

Sa pananaliksik ng insurance technology site na GoShorty, lumabas na ang mga Pilipino ay inaabot ng humigit-kumulang 98 oras o higit sa 4 na araw na naiipit sa traffic sa Metro Manila kada taon.

Ang panukalang work-from-home, kung ipapatupad ng ilang mga kumpanya, ay magiging bahagi ng solusyon sa walang katapusang traffic congestion.

Sinabi ni Gatchalian na para hikayatin ang mga kumpanya na magpatupad ng work-from-home arrangement o telecommuting, dapat magbigay ang gobyerno ng tax incentives para sa mga magpapatupad ng naturang programa.

“Nais naming bigyan ng insentibo ang mga magpapatupad ng programang ito dahil sa malaking benepisyong dulot nito sa ating mga kababayan,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim ng inihain ng senador na Senate Bill 1149, ang mga empleyadong naka-work-from-home ay mababawasan ng P25 kada oras ng trabaho sa kanilang taxable income.

Bukod dito, ang mga allowance o benefits na binibigay ng mga employer sa kanilang mga empleyado na hindi lalagpas sa P2,000 kada buwan bilang panggastos sa mga kinakailangan para sa isang WFH setup ay ituturing na non-taxable benefit.

“Ang work-from-home revolution na pinabilis ng pandemya ay maraming pakinabang hindi lamang sa mga manggagawa. Maiibsan din nito ang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan lalo na’t balik na ang in-person classes at maraming negosyo na ngayon ang tumatakbo,” ayon sa senador.

Ipinunto rin ni Gatchalian na makakatulong din ang remote working arrangements na mabawasan ang arawang gastos sa gasolina at gawing mas produktibo ang mga empleyado na pinatunayan na ng iba’t ibang pag-aaral.

Show comments