MANILA, Philippines — Kinubra na ng 34-anyos na maybahay mula sa probinsya ng Iloilo ang kanyang jackpot prize na P401,186,804.80 mula sa GrandLotto 6/55 draw na ginawa noong ika-9 ng Hulyo matapos ang 16 araw ng paghihintay.
Ayon sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Martes, inuwi ng babae ang kanyang napalanunang limpak-limpak na kwarta noong ika-25 ng Hulyo, 2022.
Tinayaan niya ang six-digit winning combination na 02 – 18 – 49 – 07 – 19 – 47. Ang matindi pa riyan, isang beses lang siyang tumaya sa lucky pick (LP) sa halagang P20.
"Sabi po ng asawa ko try ko daw po tumaya ng isa lang na lucky pick para maiba naman, kung swerte ka talaga mananalo ka kahit LP," sabi ng babae.
"Mas nauna po yung kaba at takot ko po kesa sa tuwa dahil naisip ko yung kaligtasan namin mag-asawa kaya po inabot ng 2 weeks bago kami nag-desisyon na kuhanin ang napanalunan naming premyo. For our safety na din po."
Hiniling ng winner na itago nang husto ang mga pribadong detalye sa kanyang pamilya upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Aniya, anim na taon na siyang sumusubok tumaya hanggang sa biglang maging instant multi-millionaire.
Nagpasalamat naman siya sa PCSO at sinabing sana'y "patuloy silang tumulong sa mahihirap" lalo na sa mga kababayan niya sa Iloilo.
"Kagaya ng ilan, dati hindi po ako naniniwala sa lotto, pero nandito na po ako sa PCSO ngayon kumukubra at hawak ko na ang tseke ng napanalunan ko," dagdag pa niya.
"Thank God, sa dami ng mananaya isa po ako sa pinagpala. Kaya para sa mga mananaya ng lotto huwag po kayong susukong tumaya."
Plano raw niyang magtayo ng sariling negosyo sa Iloilo, ibigay sa Simbahan at ilang charity institutions ang bahagi ng kanyang napalanunan para na rin makatulong sa iba pang kapos-palad.
Alinsunod sa Republic Act 1169, valid ng isang taon ang mga lotto ticket mula sa araw ng bunutan. Ang mga premyong hindi kukunin matapos ang isang taon ay mapapawalang-bisa.
Aabot sa 20% na buwis ang awtomatikong ibinabawas sa mga papremyong lalampas ng P10,000 sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ipinapalabas ang laro ng GrandLotto 6/55 kada Lunes, Miyerkules at Sabado nang live sa PTV-4, bandang 9 p.m.