MANILA, Philippines — Ganap ng batas ang Republic Act No. 11909 o ang permanenteng bisa ng birth, marriage at death certificate.
Sa natanggap na sulat ni Senate President Juan Miguel Zubiri mula kay Executive Secretary Victor Rodriguez, nakasaad na nag-’lapse into law’ o awtomatikong naging batas ang panukala noong July 28, 2022.
Ibig sabihin, lumipas ang 30 araw mula nang maisumite sa opisina ng Pangulo ang panukala na hindi nalalagdaan ng Presidente ay awtomatiko itong nagiging batas.
Ayon kay Sen. Ramon Revilla, principal sponsor ng batas sa Senado, ikinalulugod niya ang pagsasabatas sa ‘Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act’ na umano’y pinagsikapan at pinagtulungan ng mga senador.
Paliwanag ni Revilla, dahil permanente na ang bisa ng birth, death at marriage certificates, hindi na kailangang paulit-ulit na gumastos at kumuha ng kopya nito.
Nakasaad sa batas na ang mga birth, death at marriage certificates na inisyu, nilagdaan, sinertipikahan o authenticated ng Philippine Statistics Authority (PSA), maging ng National Statistics Office (NSO) at ng local civil registries ay permanente na ang bisa kahit anong petsa pa inisyu.
Ang mga nabanggit na mga dokumento ay kikilalanin at tatanggapin sa lahat ng mga transaksyon sa gobyerno at pribadong sektor. — Malou Escudero