MANILA, Philippines — Dapat umanong pagbuwisin ang malalaking mga lupain at ari-arian ng mayayaman na naaayon sa Saligang Batas upang makaipon ng salapi ang bansa para sa maseselang serbisyo publiko nito.
Sa panukala ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ipinaliwanag niyang malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na ang sistema sa pagbuwis ay dapat progresibo na ang ibig sabihin ay higit na malaki dapat ang binabayarang buwis ng mayayaman.
Sinabi ni Salceda, na ang pinakamakatwirang pagbubuwis ng mayayaman ay sa pamamagitan ng kanilang hindi gumagalaw na yaman gaya ng mga lupain.
“Ang pinakamabisang paraan sa pagsingil ng buwis sa mayayaman ay sa pamamagitan ng mga lupang yaman at sobrang maluhong paggastos. Kailangan lang na matukoy natin ang wastong paraan upang malaman ang tunay na halaga ng kanilang mga ari-arian sa ilalim ng ‘Real Property Valuation and Assessment Reform Act’ at balansihin natin ang epekto sa may-ari ng maliliit na lupa,” diin niya.
Tinantiya ni Salceda na ang “merkado ng mga mamahaling bilihin sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng P71 billion, na maaaring panggalingan ng mga P12 milyon hanggang P18 milyong buwis para sa gobyerno.” Ayon Ayon kay Salceda, maghahain din siya ng panukala ng mga pagbabago sa naturang batas para hindi maging mabigat ito sa mga may-ari ng mga sakang lupa sa tamang panahon.