Mandatory ROTC? 'Iba-iba paraan’ sa pagmamahal ng bayan, ani Hontiveros
MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ni Sen. Risa Hontiveros ang implementasyon ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) program bilang mandatory requirement sa mga mag-aaral.
Ito ang banggit niya matapos isama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mandatory ROTC sa kanyang legislative agenda sa State of the Nation Address nitong Lunes.
Giit ni Hontiveros, may iba namang paraan upang ipakita ng kabataan ang kanilang pagmamahal sa bayan. Hindi lang sa pamamagitan ng ROTC.
"Iba't ibang paraan mahalin at magsilbi kay inang bayan. So 'yung mga passion nila sa buhay ay may military service, katulad ng late husband ko na PMA graduate. Full support ako sa mga batang iyon," wika ng mambabatas sa isang panayam, Lunes.
"Pero 'yung ibang mga kabataan na Filipino na gustong maglingkod kay inang bayan sa iba pang paraan, 'wag natin sila pipilitin no sa iisang hulma lamang."
Anang senadora, imbes na itaguyod ang kaisipang pang militar, dapat na mas hinihimok ng pamahalaan ang kabataan na makiisa sa mga gawaing demokratiko.
"Dapat palayo tayo sa militarism na mindset natin. Papunta sa mas demokratiko at sa mas citizen's participation sa ibang anyo," sambit niya.
Mandatory ROTC sa SHS
Nito lamang nang sabihin ni Bongbong na ang pagbabalik ng ROTC sa senior high school ay makakatulong sa paghulma ng kahandaan ng kabataan sa depensa at sakuna.
"This seeks to reinstitute the ROTC program as a mandatory component of senior high school programs grades 11 and 12 in all public and private tertiary level educational institutions,” wika ni Pangulong Marcos sa SONA kahapon.
"The aim is to motivate, train, organize, and mobilize students for national defense preparedness, including disaster preparedness and capacity building for risk-related situations."
Matatandaang una nang nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng interes sa muling buhayin ang ROTC bilang mandatory program.
Taong 2002 nang gawing optional ang ROTC ng National Service Training Program (NSTP) matapos mapatay ni Mark Welson Chua, isang kadete ng University of Santo Tomas, matapos niyang sa ibunyag ang diumano'y korapsyon sa training program ng kanyang unibersidad. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest