Alok ng DSWD: P1K reward sa tipster vs ‘di kuwalipikado sa 4Ps
MANILA, Philippines — Nakahandang magbigay ng P1,000 cash reward si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Erwin Tulfo para sa sinumang magsusuplong o magbibigay ng impormasyon sa mga pamilyang hindi kuwalipikado pero patuloy na tumatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito’y sa gitna na rin ng naunang pahayag ni Tulfo na lilinisin ang tinatayang nasa 1 milyong benepisyaryo sa 4Ps na hindi na kuwalipikadong makatanggap ng benepisyo.
Sinabi ni Tulfo na kung ang impormasyon ay may katotohanan at mapatunayan ito sa pag-validate ay matatanggap ng tipster ang reward na P1,000 cash.
Inihayag ni Tulfo na marami silang natatanggap na mga reklamo sa hotline ng DSWD na kailangan munang maberipikang mabuti kung may katotohanan bago tanggalin sa listahan ng 4Ps ang mga inirereklamo.
Kabilang sa mga tatanggalin ay yaong may kakayahan ng makapamuhay pero patuloy na tumatanggap ng benepisyo, nakapagtapos na ang mga anak, lumipat ng mga tirahan, namatay na at iba pa.
Ayon kay Tulfo, may mga tumatawag sa kanilang hotline na kaagad nilang bineberipika kung saan nagpapadala sila ng tao para alamin ang impormasyo kung saan maraming kuwalipikado pero walang natatanggap.
Idinagdag pa ni Tulfo na nais niyang mga kuwalipikado lamang ang mabiyayaan sa 4Ps at yaong magaganda na ang buhay ay alisin na sa listahan dahil marami ang nasa ‘waiting list’ na higit na nangangailangan ng ayuda.
- Latest