Magna Carta for Barangays muling itinulak ni Bong Go sa Senado
MANILA, Philippines — Muling inihain ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa 19th Congress ang panukalang nagbibigay ng Magna Carta para sa mga barangay.
Ang Senate Bill ni Go ay naglalayong palakasin ang mga barangay na kinikilala ang kritikal na papel bilang pangunahing political unit ng bansa at frontliner sa paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno.
“Alam nating lahat na ang barangay at ang mga opisyal nito ay ang immediate provider ng frontline services sa ating mga kababayan. Sila ang pinakaunang tinatakbuhan ng ating mga kababayan,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na kailangang pagbutihin pa ang mga barangay at tugunan ang paghihirap ng mga barangay officials.
Aniya, ang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay ang nag-udyok sa kanya para isulong ang magna carta para sa mga ito.
Ikinalungkot ng senador ang kawalan ng regular na sahod ng barangay officials at workers sa kabila ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad, kaya patuloy niyang isinusulong ang mas magandang suweldo at benepisyo para sa kanila.
Sa kanyang panukala, ang punong barangay, mga miyembro ng sanggunian, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay magkakaroon na ng karapatan sa mga suweldo, emolument, allowance tulad ng hazard pay, representasyon at allowance sa transportasyon, 13th month pay at iba pang benepisyo.
Ang lahat ng barangay ay magkakaroon din ng mga pangunahing prayoridad, tulad ng pagtatayo ng kahit man lang pasilidad na pag-iinuman ng tubig para sa bawat 1,000 residente; pampublikong transportasyon, isang kindergarten, isang elementarya para sa bawat barangay, isang high school para sa bawat 5 kilometro mula sa barangay center, isang health center at isang barangay hall.
- Latest