Makabayan bloc inihain uli renewal ng prangkisa ng ABS-CBN para sa 25-taon

An employee looks at an announcement of a Philippine tv network shutted down on his mobile phone on May 5, 2020. The Philippines' top broadcaster ABS-CBN was forced off air on May 5 over a stalled operating licence renewal, drawing fresh charges that authorities were cracking down on press freedom.
AFP/Maria Tan, File

MANILA, Philippines — Muling inihain ng progresibong Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang paggawad ng legislative franchise para sa broadcast giant na ABS-CBN — ito matapos mawala ang Kapamilya Network sa free TV noon pang 2020.

Martes nang i-refile ng ACT Teachers party-list, Gabriela Women's Party at Kabataan party-list ang House Bill 1218 sa layuning mabigyan ito ng bagong prangkisa na sapat para sa 25-taon. Sa kabila nito, ngayong Miyerkules lang ito isinapubliko.

"This is a challenge for Congress to defy the rising tyranny, to stand for freedom and democfracy," wika nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Raoul Manuel sa explanatory note ng HB 1218.

"Thus, urgent passage of this bill is sought."

Isa ito sa mga panukalang inihain ng Makabayan bloc sa mga unang linggo ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. na dati ring nagpasara ng mga media outlets gaya ng ABS-CBN noong panahon ng Martial Law.

Matatandaang ika-5 ng Mayo dalawang taon na ang nakalilipas nang maglabas ng "cease and desist" order ang National Telecommunications Commission laban sa ABS-CBN matapos mapaso ang kanilang dating prangkisa.

Hulyo noong taong din 'yon nang tuluyang ibasura ng komite ng House of Representatives ang panukalang magpapanibago sana sa prangkisa ng network matapos itong tutulan ng mahigit 70 mambabatas.

Sa kabila nito, Enero 2022 nang kumpirmahin ng NTC na binigyan nila ng "provisional authority" ang Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni dating Sen. Manny Villar para sa pagpapatakbo ng dalawang television channels o frequencies na dating pinatatakbo ng ABS-CBN.

"The shutdown of ABS-CBN due to a mere personal grudge by the Chief Executive [President Rodrigo Duterte] is evocative of the forced shutdown of radio and TV stations during the Marcos martial rule in 1972," dagdag pa sa explanatory note ng panukala.

"In fact, ABS-CBN was padlocked, and eventually sequestered and became one of the TV stations controlled by Marcos and his cronies during that dreaded era."

 

 

Iginigiit ng mga naturang lawmakers ang pagbabalik ng ABS-CBN sa free TV ilang araw matapos ipa-block ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon sa NTC ang websites ng news outlets gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly, na siyang kanyang nire-red tag at ikinakabit sa komunistang rebelyon.

Hunyo lang din nang sabihin ng Securities and Exchange Commission na desidido silang ipasara ang news organization na Rappler Inc. dahil sa mga isyu sa "foreign ownership."

Una nang sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines na ang mga media shutdowns na ito ay tangka talaga ni Duterte upang "patahimikin ang kritikal naw media," bagay na parte na raw ng Duterte legacy. Sinasabing 11,000 eempleyado at manggagawa ang nawalan ng trabaho matapos ang ABS-CBN shutdown.

Ika-27 lang ng Hunyo nang aminin ni Duterte na ginamit niya ang kanyang "presidential powers" para kausapin ang Konggreso laban sa ABS-CBN, kumpanyang kinaiinisan niya dahil sa hindi pag-eere ng ilang patalastas niya noong 2016 elections.

Si Digong ay tatay ni Bise Presidente Sara Duterte. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio

Show comments