Paghahanda sa food crisis
MANILA, Philippines — Kasabay ng babala na magkakaroon ng krisis sa pagkain sa susunod na dalawang quarter ng taon, inihayag kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat itaas ang produksiyon ng bigas at mais.
Sa kanyang meeting sa Department of Agriculture, sinabi Pangulo na lahat ng bansa sa mundo ay naghahanda sa napipintong food crisis.
Nais din ni Marcos na itaas ang produksiyon ng livestock, manok at baboy.
Wika niya, dapat pag-isipang mabuti ang inaasahang food crisis upang matiyak na magiging sapat ang pagkain sa presyo ma kakayanin ng mga mamamayan.
Ipinunto rin ni Pangulong Marcos na balewala kung mayroong sapat na suplay ng pagkain pero hindi naman kayang bilhin ng mga consumers.
“Again it is useless to have food if you cannot afford it anyway,” ani Marcos.
Idinagdag din niya na mahalagang matiyak na magtutuloy-tuloy ang plano sa mga susunod na taon.
Sa ngayon aniya ay pagtutuunan muna ng pansin ang “immediate short term supply” para sa bansa.
Hinikayat din ni Marcos ang mga opisyal ng DA na iparating kaagad sa Malacañang ang draft ng mga panukalang batas o executive orders na kinakailangan.