1 sa 5 tsuper ng jeep sa NCR tigil-pasada; kita P200/araw na lang — PISTON
MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit 20% ng mga tsuper ng jeepney ngayon sa Metro Manila ang hindi muna bumabiyahe sa ngayon sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis — dahilan para umabot na lang sa P200 hanggang P300 ang kita nila araw-araw, ayon sa isang transport group.
Ito ang ibinahagi ni Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng PISTON, sa panayam ng Philstar.com kasabay ng pagtatapos ng Libreng Sakay service ng nasa 118 ruta ng jeep sa buong bansa dulot ng "pagkaubos" ng pondo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa programa.
"Kung dati nakakapag-uwi pa sila ng mga P300-P400, dahil sa tatlong linggong almost... P12 ang idinagdag sa diesel, ay nag-uuwi na lang sila ng P200-P300 sa loob ng 12-18 hours na pamamasada," ani Floranda kanina.
"Kaya't talagang ang nagiging [aksyon] na lang ng mga operator at driver, ay at least pag-uwi nila makakabili sila ng dalawang kilong bigas o kalahating kilong galunggong na pagsasaluhan."
Depende sa lugar ng gasolinahan, papalo na raw sa hanggang P88/litro ang presyo ng diesel sa ngayon. Mas mahal pa raw ito kapag sa mga national road kumpara sa mga secondary road. Aabot na raw sa P41 ang idinagdag ng presyo ng diesel simula nang pumasok ang Enero 2022.
Ayon pa sa militanteng transport group, bukod sa pagtaas ng presyo ng langis ay tumigil din sa pagpasada ang marami sa mga driver dahil sa:
- pangangailangang i-overhaul ang mga jeep bunsod ng matagal na pagkatigil ng biyahe dahil sa COVID-19 lockdowns
- "hindi pagkilala" ng LTFRB sa mga prangkisang ipinagkaloob sa ilalim ng Republic Act 4136
- pagputol-putol ng LTFRB sa mga ruta ng public transport
"Kitang-kita natin [ang problema] sa panahon ng rush hour kapag umaga, talagang nagkukumahog... 'yung ating mga pasahero sa iilang pirasong bumabiyaheng public transport," sabi pa ni Floranda.
Marso lang nang sabihin ng Department of Energy na lalala ang presyo ng local oil prices kung magpapatuloy ang gera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ngayong buwan lang nang sabihin ng Russia na handa silang makipagtulungan sa Pilipinas pagdating sa suplay ng langis at enerhiya.
Pagsuspindi sa fuel excise tax ekis kay Marcos Jr.
Lunes lang nang sabihin ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya nakikitang kailangang isuspindi ang fuel excfise tax sa gitna ng sunud-sunod na oil price hike, at sa halip magbigay na lamang daw ng ayuda sa mga sektor na pinakaapektado nito.
"I prefer to handle the problem on the other side of the equation and provide assistance to those who are in need. Because if you reduce the excise taxes, that does not necessarily help those in need, 'yung talagang tinatamaan kasi blanket eh," ani Marcos Jr. sa isang press briefing kahapon.
"So ang aking iniisip, kung sino ang talagang tinatamaan, example 'yung lumabas kaagad 'yung transport, 'yung nagpapasada, all of that, ‘yung tinamaan kaagad i-focus muna natin on that… Those whose livelihoods are in danger because of the increase in the oil [prices], ‘yun ang dapat doon tayo mag-focus."
Bukod pa rito, nabanggit din niya ang pagdi-digitize sa burukrasya at pagpapabilis ng paglalabas ng national IDs para mapadulas ang pamamahagi ng assistance.
Kanina lang nang sabihin ni Sen. Grace Poe na ire-refile niya ang kanyang panukalang batas na pansalamantalang nagsusupindi sa koleksyon ng excise tax sa oil products para maibsan ang nagtataasang presyo ng bilihin.
Ganyan din ang hamon ngayon nina Floranda kay Marcos Jr., maliban pa sa pagrebisa sa Oil Deregulation Law, TRAIN law, e-VAT at pag-aaral sa nilalabanan nilang pagfe-phase out ng mga tradisyonal na jeepney.
- Latest