Misis dinukot sa Cavite dahil sa utang
MANILA, Philippines — Pinaghahanap ng Cavite Police ang anim na miyembro ng hinihinalang kidnap-for-ransom group matapos tangayin ang isang 44-anyos na misis sa Silang, Cavite noong Hunyo 9.
Kinilala ang biktima na si Gladys Bundalian Rodriguez, tubong Tondo, Maynila at residente ng Blk 260 Lot 18 Phase 2C, Metrogate Silang Estate, Brgy. Adlas, Silang, Cavite.
Natukoy ang isa sa mga suspek na si Jomar Villanueva, alias “Salem Guardian” ng Amparo Chapter ng Dapdap Amparo, North Caloocan habang inaalam ang pagkakakilanlan ng lima pa nitong kasamahan na pawang may takip ang mukha.
Sa naantalang report ni Corporal Ramil Legaspi ng Silang Police, alas-11:45 ng gabi habang nagtatapon ng basura ang caretaker na si Peejay Galanta, nang may dumating na kulay puting Hyundai Starex van at bumaba ang may apat na lalaki na armado ng mga baril.
Agad siyang tinutukan ng isa sa mga ito at kinaladkad papasok ng bahay. Nang makita ng mga suspek ang target na biktima, agad na tinangay at isinakay sa van.
Nakilala naman si Villanueva mula sa PNP gallery dahil nagtanggal umano ito ng face mask at sa tattoo nito sa kanyang kanang kamay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may mga pangyayari na umanong ilang beses na pagdukot sa biktima at may sangkot pa umanong isang pulis.
Malaking pagkakautang ang sinisilip na motibo sa pagdukot na aabutin ng milyong pisong halaga na kinasasangkutan ng biktima.
Lumalabas din sa background check ng pulisya na ang biktima ay may warrant of arrest sa kasong Qualified Theft sa Malabon City court.
- Latest