MANILA, Philippines — Kahit bumaba ang "quality of life" ng mahigit tatlo sa 10 Pilipino sa nakalipas na 12 buwan ayon sa Social Weather Stations (SWS), ikinatuwa ito ng Palasyo dahil dumami rin naman daw ang mga gumanda ang pamumuhay — aniya, sinyales itong gumagana ang pandemic response ng gobyerno.
Huwebes lang nang iulat ng SWS na 34% ng mga sinurvey noong ika-19 hanggang ika-27 ng 2022 ang nagkaroon ng mas mababang quality of life kumpara noong nakaraang taon. Sa kabila nito, 32% ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay habang 34% naman ang nagsabing "walang nagbago."
Related Stories
"We note the latest [SWS] Survey showing 32% of adult Filipino respondents thought their lives had gotten better off in April 2022 compared to 24% who had the same sentiment in December 2021," wika ni acting presidential spokesperson Martin Andanar, Biyernes.
"We view this improvement an incontrovertible proof that the current government’s pandemic response is working, where we put premium on both health and the economy."
Kasalukuyang Alert Level 1 pa rin sa Metro Manila at marami pang bahagi ng Pilipinas, kung saan pinapayagan na ang halos lahat ng aktibidad sa 100% capacity basta't nasusunod ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask.
Dahil dito, nakabalik na sa trabaho ang mas maraming katao at dahan-dahan nang nagnonormalisa ang mga negosyo kumpara noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown, bagay na dahilan kung bakit hindi nakapagtrabaho ang marami noong 2020 hanggang 2021.
"It is likewise a reaffirmation that we are now on our way to full economic recovery while maintaining our vigilance with the new [and more transmissible] COVID-19 variants," sabi pa ni Andanar.
Sa kabila nito, kapansin-pansing mas maraming pamilyang nagutom ngayong April 2022 (12.2%) kumpara noong Disyembre 2021 (11.8%). Katumbas ang bilang na 'yan ng 3.1 milyon.
Kakaharapin ng susunod na administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. Ang naturang mga problema sa ekonomiya, ngayong tumalon sa 5.4% ang inflation rate ng Pilipinas nitong Mayo, ang pinakamataas simula Nobyembre 2018.