MANILA, Philippines — Ikinagalak at pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpasa sa Senado ng panukalang “Philippine Digital Workforce Competitiveness Act” na naglalayong isulong ang pag-unlad ng digital workforce sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Filipino ng digital skills.
Ang Senate Bill 1834 na pangunahing iniakda ni Senator Joel Villanueva at co-authored ni Go, ay layong tiyakin na ang mga manggagawang Pilipino ay makikinabang sa mga inaasahang trabaho na lilikhain ng mga digital na teknolohiya.
“Layunin po ng panukalang ito na mabigyan ng kaukulang kakayahan at kasanayan ang ating mga kababayan upang maging bahagi sila ng digital workforce ng bansa,” sabi ni Go.
“Dahil dito, maraming oportunidad at trabaho ang magbubukas para sa kanila at mas madaling makabangon ang ating ekonomiya mula sa epekto ng pandemya,” idinagdag ng senador.
Kung maipapasa ang batas, lilikha ang panukala ng inter-agency council na magiging responsable para sa pagpaplano, koordinasyon at pagpapatupad ng mga patakarang magtataguyod, magbubuo, at magpapahusay sa kakayahang makipagsabayan ng digital workforce ng Pilipinas.
Palalakasin din nito ang mga local government unit dahil maipatutupad ang mga lokal na patakaran na sumusuporta at nagtataguyod ng paglago at pag-unlad ng digital na teknolohiya, digital na karera, at mga inobasyon sa kanilang mga lugar.
Sa paglikha at pagpapatupad ng mga programa sa pagsasanay, pagpapaunlad ng kasanayan, at sertipikasyon, ang panukala ay magbibigay-daan sa public-private partnerships sa specialists, private firms, information technology-business process outsourcing industry associations at iba pang stakeholders.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan para sa bansa na lumipat sa digital age sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagong teknolohiya at pagsasama sa mga ito sa public governance.