MANILA, Philippines — Sumirit sa panibagong all-time high ang outstanding debt ng pamahalaan matapos itong maitala sa P12.76 trilyon sa pagtatapos ng Abril 2022 — bagay na naapektuhan ng paghina ng piso kontra dolyar.
Ibinalita ito ng Bureau of Treasury, Huwebes, ilang linggo matapos maiulat na katumbas na ng 63.5% ng ekonomiya ang utang ng Pilipinas. Matatandaang naitaya ang utang ng bansa sa P12.68 trilyon para sa buwan ng Marso.
Related Stories
"For April, the [national government's] total debt increased by P83.40 billion, or 0.7% due to the net issuance of government securities to both local and external lenders and the depreciation of the local currency against the USD," ayon sa Treasury kanina.
"Of the total debt stock, 30.0% was sourced externally while 70.0% were domestic borrowings."
Kung hahatiin, narito ang itsura ng outstanding debt ng national government:
- utang panlabas (P3.83 trilyon)
- utang panloob (P8.93 trilyon)
Lumundag ng P67.2 bilyon ang domestic debt kumpara sa end-March 2022 level habang P16.2 bilyon naman ang itinaas ng external debt.
Ang naturang problema sa paghiram ng pera, marami rito ginamit sa COVID-19 response, ang isa sa mga haharapin ng papasok na administrasyon ni president-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na siyang katatalaga pa lang ng kanyang economic team.
'Duterte legacy' at pagbabayad ng utang
Miyerkules lang nang banatan ng economic think tank na IBON Foundation ang iiwang legacy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ekonomiya, lalo na't lumala raw ito nang husto kumpara noong simula ng kanyang termino noong 2016.
"The economy that the Duterte administration painted in its final report was a fantasy," ayon sa IBON sa isang pahayag kahapon.
"It omitted important numbers that show how it wasn’t an economy that worked for ordinary Filipinos."
ERRATUM: official number of households without savings for Q4 2021 is at 18.4 million, not 26.1 million. pic.twitter.com/shEUCu5f0s
— IBON Foundation (@IBONFoundation) June 1, 2022
Maliban sa malaking utang, tumaas raw patungong 15% ang rice import dependency ng Pilipinas nitong 2020, kumpara sa 5% lang noong 2016.
Naabot din ang 4.9% inflation rate (bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin) nitong Abril 2022 na siyang pinakamataas sa tatlong taon, maliban pa pagpalo ng debt payments sa P1.2 trilyon noong 2021.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na pwedeng magdagdag ng buwis ang susunod na administrasyon para masolusyunan ang problema sa paglobo ng utang. Pero ayon naman kay incoming Finance Secretary Benjamin Diokno, pwede namang pahusayin muna ang koleksyon at efficiency sa tax administration kaysa magkaroon ng mga pagtataas.
"Ang utang kasi, hindi dapat katakutan kung halimbawa may dahilan kung tayo nangutang," ani Department of Budget and Management (DBM) acting Secretary Tina Canda sa Laging Handa briefing.
"Alam naman natin na 'yung time na tumama ang COVID... wala tayong mga isolation facilities. Wala tayong tamang dami ng hospital beds. Hindi naman natin pwedeng isakripisyo ang buhay ng ating mga kababayan dahil lang ayaw natin mangutang."