Vloggers papayagang magkober sa Malacañang
MANILA, Philippines — Papayagan na ang mga vloggers na makapag-kober sa Malacañang.
Ayon kay incoming Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Trixie Angeles, inaayos na nila ang akreditasyon ng mga vloggers para makasama sa mga press briefing sa Palasyo.
Giit ni Angeles, kasama sa kanilang prayoridad ang pag-imbita sa mga vloggers lalo na kung si President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang magsasagawa ng briefing.
Base sa ulat, malaki ang naging tulong ng mga pro-administration vloggers sa panahon ng kampanya ni Marcos, Jr. at may ilan ang nabigyan ng priority access noong panahon ng UniTeam sorties.
Ang access sa Malaca-ñang coverage o Palace events ay kadalasang limitado lamang sa mga mamamahayag mula sa TV networks, online news outfits, at newspapers.
Sa tanong kung papayagan ng incoming administration ang lahat ng mga journalists o mamamahayag na mag-cover ‘physically’ sa mga Presidential events, sinabi ni Angeles na titingnan muna nila ang umiiral na polisiya sa usaping ito.
Magugunita na pinagbawalan ang Rappler reporter noong 2018 na makapasok sa buong Palace complex matapos na maglathala ng kritikal sa administrasyon.
- Latest