Philippine border hinigpitan na vs ‘monkeypox’
MANILA, Philippines — Pinaigting na ang border control measures sa bansa sa gitna ng banta ng “monkeypox” virus.
“We have instructed the BOQ (Bureau of Quarantine) to intensify its surveillance of passengers coming from countries with known cases of monkeypox -- mainly from central and west Africa,” pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III.
Maging ang symptom screening ay pinaigting din para sa inbound passengers bukod pa sa iba pang hakbang upang makontrol na makapasok sa Plipinas ang nasabing virus.
Nitong Biyernes ay tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang kaso ng monkeypox virus na natukoy sa Pilipinas.
Naitala ang mga kaso ng monkeypox sa iba’t ibang mga bansa tulad ng Portugal, Spain, United Kingdom, at ngayon maging sa United States.
Batay sa abiso ng Centers for Disease Control and Prevention o CDC ng Amerika, naipapasa ang monkeypox virus kapag ang isang tao ay nagkaroon ng contact sa virus mula sa hayop, kapwa tao, o maging sa kontaminadong bagay.
Kabilang sa sintomas ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at likod, namamagang kulane, panginginig, at pagkapagod.
Sa loob ng 1-3 araw (o mahaba pa) matapos na lagnatin, nagkakaroon ng mga rashes ang pasyente.
Karaniwang nagsisimula ang rashes sa mukha at kakalat ito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa CDC, ang incubation period ng monkeypox ay madalas na umaabot ng pito hanggang 14 na araw, o lima hanggang 21 araw.
Tumatagal umano ang naturang sakit sa loob ng 2-4 na linggo.
Batay sa pag-aaral ng CDC, isa hanggang 10 katao sa Africa ang namatay dahil sa monkeypox.
Gayunpaman, ang monkeypox ay hindi naman nai-classify ng WHO bilang banta sa kalusugan ng publiko sa kasalukuyan.
Sa advisory ng WHO nitong Mayo 20, 2022, nasa 80 na ang kumpirmadong kaso ng monkeypox at may 50 pang iniimbestigahan sa 11 bansa.
Inilarawan ng WHO ang monkeypox bilang isang sakit na “global public health importance” dahil hindi lamang ito nakakaapekto sa mga bansa sa West at Central Africa, kundi sa buong mundo.
Para maiwasan ang transmission, nauna nang pinayuhan ng DOH ang publiko na sumunod sa minimum public health standards kabilang ang pagsusuot ng mask, pag-obserba ng physical distancing.
- Latest