Piloto nasa ‘hot water’ dahil sa fake news
MANILA, Philippines — Nasa ‘hot water’ ngayon ang isang piloto ng Cebu Pacific dahil sa umano’y pagkakalat ng “fake news” laban kay Vice President Leni Robredo na inakusahan niya na pina-hold ang mga eroplano para iprayoridad ang kaniyang pag-landing.
Humingi ng paumanhin si Captain Sam Avila, VP-Flight Operations ng Cebu Pacific Air, kay Robredo makaraang makumpirma na gawa-gawa lamang ni Capt. Van Ranoa ang kaniyang mga akusasyon laban sa bise presidente na inamin niya sa kanilang ikinasang imbestigasyon.
“I confirm that the pilot has made it clear to us that he had no basis for his claim and was purely speculative and careless on his part,” ayon kay Avila.
“While the pilot posted his commentary on his own accord, a post he has since removed, on behalf of Cebu Pacific, and as Head of our Pilot Group, I take command responsibility and apologize unreservedly to the Vice President and the general public for the action of our pilot,” dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang isyu ay isang ‘internal matter’ na dapat resolbahin ng airline at ng kanilang empleyado.
“Moreover, CAAP would like to clarify that Air Traffic Data, sourced out from Air Traffic Service are included in the authority’s confidentiality clauses as this information has its security implications,” saad ng CAAP.
Sa post ni Ranoa, una niyang tinawag na “showbiz” ang litrato ni Robredo na nagpaplantsa ng “graduation toga” ng kaniyang anak. Kasunod nito, isinalaysay niya na pina-hold umano ni Robredo ang mga flights noong nakaraang buwan para iprayoridad ang kaniyang paglapag sa Maynila.
“I know she’s entitled to that as VP, pero para gawin mo on peak hours at para sa election, mali na ata ‘yun,” ayon sa kaniyang post.
Binanatan din niya ang “mainstream media” sa hindi umano pagbabalita ng insidente para umano panatilihin ang malinis na imahe ng ikalawang pangulo.
Makaraang makarating sa pamunuan ng Cebu Pacific, agad na nagkasa ito ng imbestigasyon.
Sinabi ng kumpanya na mayroon din silang sinusunod na mga polisiya na hindi pagbibigay ng mga sensitibong impormasyon ukol sa “flight” ng kanilang mga kliyente nang banggitin din ni Ranoa na may sakay siyang ambassador ng Australia nang mangyari ang kaniyang alegasyon.
- Latest