MANILA, Philippines — Makaraan ang humigit-kumulang 24 taon, nagawang tibagin ni Jeannie Sandoval ang pamamayagpag ng pamilya Oreta bilang mayor ng Malabon.
Base sa 100% ng election returns, si Jeannie Sandoval, ang nanalo at kauna-unahang babaeng mayor ng Malabon City matapos itong makakuha ng 94,826 boto. Nilamangan ni Sandoval ng 1,279 boto si Councilor Enzo Oreta na mayroong 93,547 boto.
Hindi ito ang unang pagkakataong sinubukang banggain ni Jeannie ang mga Oreta sa pagka-alkalde. Sa halip, ito na ang ikatlong pagtatangka ni Jeannie na wakasan ang pamumuno ng mga Oreta na nagsimulang hawakan ang mayoralty seat ng Malabon mula pa noong 1998.
Maihahalintulad nga si Jeannie kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na tatlong beses ding lumaban sa Binibining Pilipinas pageant bago nakuha ang korona. Kung si Pia ay binasag ang apat na dekadang pagiging tigang ng Pililipinas sa titulong Miss Universe, si Jeannie naman ay winasak ang mahigit 2 dekadang pamamayagpag ng mga Oreta sa pagka-alkalde ng lungsod.
Bukod dito, si Jeannie ay nag-iisang kandidato ng BBM-Sara UniTeam na mula sa Camanava at hindi incumbent at hindi rin mula sa pamilya ng mga incumbent.
Kaugnay nito, taos-pusong nagpasalamat si Mayor-Elect Jeannie Sandoval sa kanyang mga tagasuporta.
“Mula sa aking puso, maraming salamat po sa lahat ng suporta at tiwala ninyo sa ating laban. Para sa inyo po ang tagumpay na ito,” mensahe ni Jeannie sa kanyang official Facebook page.
“Anuman ang kulay na pinaniniwalaan, ipapanalo po natin ang lahat sa laban para sa magandang bukas, maayos na pamumuhay, at maunlad na bayan. Sa tulong ng bawat isa at sa sabay-sabay nating pagsisikap, papatunayan po natin na tama ang inyong desisyon ngayong eleksyon,” ani Jeannie.
Plano ng bagong administrasyon na gawing mas progresibo ang lungsod ng Malabon at magkaroon ng kakayahang makipagkumpitensya sa ibang mga lungsod.
Kabilang sa mga magiging programa ni Sandoval para sa unang 100 na araw bilang alkalde, ang pagtatayo ng Shelter and Housing Office para sa palupa at pabahay, paglulunsad ng Blue Benefits Card na kasama sa pagpapabuti ng programang pangkalusugan at ng pagtatapos ng konstruksyon ng San Lorenzo Ruiz Hospital, pagdedeklara ng moratorium sa buwis sa negosyo at ibang mga bayarin ukol dito, regularisasyon ng mga empleyado sa Munisipyo ng Malabon at ang pagpapabuti ng mga proseso at sistema.
“Wala pong maiiwan at sabay-sabay po tayo sa pag-ahon. Muli, marami pong salamat at mabuhay ang Malabon!,” pahayag pa ng bagong mayora ng lungsod.