MANILA, Philippines — Sinamahan ni dating PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga kapwa senatorial candidate na sina Raffy Tulfo at Monsour del Rosario sa grand rally sa Cauayan, Isabela nitong May 5.
Nakipagkita si Eleazar sa malaking crowd sa F.L. Dy Coliseum matapos imbitahan ni Tulfo, isang radio broadcaster na unang beses ring tumatakbo sa pagka-senador. Sina Eleazar, Tulfo, at Del Rosario ay kilala sa mga bansag na “SIGA,” “IDOL,” at “ASTIG,” ayon sa pagkakasunod.
“Sa imbitasyon ni Idol Raffy, tayo ay nagtungo sa Cauayan para umattend ng kanyang grand rally. Dito natin naipakilala pa ang ating sarili at plataporma sa mga tao kaya nagpapasalamat ako at nabigyan ako ng ganitong pagkakataon,” ani Eleazar.
“Sa 38 taon na ako ay parte ng uniformed service, marami tayong ipinaglaban para masiguro ang kapayapaan at katahimikan sa ating bayan. Ngayon ay may mas malaking laban tayo at ito ay kung paano natin palalayain ang mga mamamayan sa kahirapan.”
“Gamit ang sipag at galing, ipinapangako kong itutuloy natin ang laban para sa bayan,” aniya pa.
Sinang-ayunan naman ito ni Tulfo, na nangakong kapag nahalal silang tatlo sa Senado ay tiyak na bilang na ang mga araw ng mga corrupt na opisyal ng pamahalaan.