Jimenez, pinasisibak dahil sa aberya sa Comelec debate

MANILA, Philippines — Inirekomenda ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rey Bulay na sibakin sa puwesto sina Directors James Jimenez at Frances Arabe dahil sa pagkakansela ng kanilang final presidential at vice presidential debates.

Kapuwa nakatalaga sina Jimenez, spokesman ng Comelec, at Arabe, sa media relations at exposure ng komisyon.

Ang pagsibak sa puwesto ng dalawa ay bahagi umano ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring aberya sa debate para matiyak na magiging patas ang resulta nito.

“In the interest of the service, Commissioner Rey Bulay recommended that Directors James Jimenez and Frances Arabe be temporarily relieved from any functions involving media relations and exposure,” ayon sa pahayag sa media ng Comelec.

Inirekomenda ng Task Force na magtalaga ang komisyon ng pansamantalang hahalili sa gawain nina Jimenez at Arabe sa Education and Information Department (EID) upang hindi maantala ang kanilang serbisyo lalo na at papalapit na ang halalan sa Mayo 9.

Habang gumugulong ang imbestigasyon, hindi umano muna maglalabas ng impormasyon si Bulay para maiwasan ang ‘trial by publicity’ at mapreserba ang dignidad ng imbestigasyon.

Wala pa namang tugon dito sina Jimenez at ­Arabe habang hindi pa rin inaaksyunan ni Chairman Pangarungan ang rekomendasyon habang isinusulat ito.

 

Show comments