MANILA, Philippines — Harassment at propaganda lamang ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front at ng mga KABAG Partylist members ang kasong isinampa ng mga ito laban sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang sama-samang inihayag ng mga NTF-ELCAC Cluster Heads na pinangungunahan ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., Vice-Chairman din ng Task Force sa isang presscon kahapon sa Camp Aguinaldo.
Sinabi ni Esperon na tinutupad lamang nila ang kanilang mandato na protektahan ang bansa at ang mga Filipino sa banta ng mga teroristang-komunista kapag sinasabi nilang may kaugnayan o iisa lamang ang CPP-NPA-NDF at ang mga miyembro ng KABAG (Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT at Gabriela) Partylist.
Hindi aniya sinususpinde ng halalan ang pagtupad sa tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang bayan at mamamayan nito.
Si Assistant Solicitor General Angelita Miranda, ng Office of Solicitor General (OSG) at Cluster Head ng Legal Cooperation Cluster (LCC) ng task force ang nagsabi naman na matagal nang kaaway di lamang ng pamahalaan ngunit ng taong bayan ang CPP-NPA-NDF.