MANILA, Philippines — Muling naghain ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng P470 dagdag-suweldo para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito ay makaraang ibasura noong Lunes ng wage board ang naunang petisyon ng TUCP dahil hindi umano sila maaaring makapagbigay ng “across the board” na umento.
Dahil dito, inalis na ng TUCP ang terminong ‘across the board’ sa kanilang bagong petisyon.
Iginiit ni TUCP President Raymond Mendoza, na kahit hindi kayang magbigay ng ‘across the board’ na dagdag-sahod ang wage board, may kapangyarihan pa rin naman umano ito na magpatupad ng umento. Hindi umano dapat magpaka-teknikal ang pamahalaan ngayong nasa panahon ng emergency ang bansa.
Bukod dito, hindi naman nila hinihiling ang ‘across the board’ na umento sa buong bansa ngunit para lang sa Metro Manila. Napapanahon umano ito dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin dulot ng sobrang taas na presyo ng langis.