MANILA, Philippines — Inirekomenda ni National Economic and Development Authority (NEDA) at Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ang pagpapatupad ng pamahalaan ng four-day workweek upang makatipid ng enerhiya at mabawasan ang gastusin ng publiko, kasunod nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sa Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte nitong Martes, na iniere nitong Miyerkules ng umaga, sinabi ni Chua na dapat na magtipid ng enerhiya ang bansa sa pamamagitan nang paglilimita sa mobility ng mga manggagawa.
Maaari aniyang papasukin na lamang ang mga ito ng apat na araw sa isang linggo, at dagdagan na lamang ang oras ng kanilang trabaho kada araw.
“Siguro subukan natin ‘yung conservation of energy at isa sa halimbawa dito ay ‘yung four-day workweek. Magta-trabaho pa rin po ang bawat Pilipino ng 40 hours per week pero imbes na sa limang araw, ay apat na araw. Imbes na walong oras, magiging 10-oras kada araw,” mungkahi pa ni Chua.
Ipinaliwanag ni Chua na dati na itong naipatupad ng pamahalaan noong 1990’s sa panahon ng Gulf War at noong 2008 nang tumaas din ang presyo ng krudo.
“Ang epekto nito ay makakatipid din imbes na araw-araw magko-commute, ay magiging apat na araw. Ito ay makakatulong din sa pag-manage ng ekonomiya natin,” pahayag pa ng NEDA chief.
Samantala, bukod naman sa pagtitipid ng enerhiya, inirekomenda rin ni Chua ang targeted relief sa mga vulnerable sectors sa bansa at paglalaan ng unconditional cash transfers na P2,400 para sa bottom 50% ng mga households.
Paliwanag niya, kung itataas ang minimum jeepney fare at minimum wage ay mangangahulugan din ito ng pagtaas ng inflation rate.
“Dahil po dito, dapat maingat tayo. Marami tayong gustong ma-achieve pero dapat alam natin kung ano mas nakakabuti sa ating kapwa Pilipino,” aniya pa. — Malou Escudero