MANILA, Philippines — Dapat manatiling abot-kaya ang gastusin sa pagbibiyahe ng mas maraming local na turista sa ating mga tourist destinations upang sabay makatulong ang domestic at international tourism sa post-pandemic economic recovery ng bansa.
Ito ang panawagan ng Turismo Isulong Mo Partylist (#156TURISMO) sa mga miyembro ng sektor ng turismo kaugnay ng pagpapairal ng Alert Level 1 na hudyat ng pag-alis ng travel restrictions.
Ayon kay Edmond Mayormita, TURISMO nominee, upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na nagnanais mamasyal partikular na ang mga pamilyang na-lockdown nang dalawang taon, dapat panatilihing abot-kaya ang bayarin sa transportasyon, hotel accommodation, entrance fees sa mga tourist sites.
Sinabi ni Mayormita, isang travel entrepreneur at sustainable tourism advocate, higit ang kontribusyon ng domestic tourism sa ekonomiya ng bansa kaysa sa international tourism bagaman mas maraming banyaga ang nakakapunta sa mamahaling tourist sites.
Aniya, malaki ang maitutulong kung mabibigyan ng diskwento ang mga kababayan natin sa pasahe sa eroplano, van rentals, ferry fares, entrance fees, hotel accommodation at food prices.
Ang hanay ng #156TURISMO Partylist na pinangungunahan ni former Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo ay binubuo ng mga grassroots tourism stakeholders na may adhikain na ipaglaban ang kapakanan at interes ng tourism sector.