EO na proteksyon sa refugee, stateless person, asylum seeker pinuri ni Bong Go
MANILA, Philippines — Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalabas ng Executive Order No. 163 na magbibigay proteksyon sa mga refugee, mga taong walang estado at mga humihingi ng asylum.
Ang EO na inilabas nitong Marso 2 ay nag-atas sa estado na mahigpit na subaybayan at tiyakin ang ganap na proteksyon ng mga karapatan ng mga persons of concern (POC) sa kalayaan at seguridad, at kalayaan sa paggalaw.
“Isa po sa mga ipinagmamalaking katangian ng mga Pilipino ang ating malasakit sa kapwa tao, kababayan man natin ito o hindi. Kaya naman po kinokomendahan ko si Pangulong Duterte at ang gobyerno sa napakagandang polisiyang ito na nagpapakita sa ating pagiging likas na matulungin,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na sadyang malapit ang puso ng Pangulo sa mga inaabuso o inaapi at hindi niya maatim na hindi sila tulungan.
Ayon sa website ng UN High Commissioner for Refugees, ang Pilipinas ay may mahabang kasaysayan ng pagtanggap sa mga refugee, mula pa noong naging State Party ito sa 1951 UN Convention.
Noong 2019, ipinahayag ni Duterte ang kanyang pagpayag na tulungan ang mga Rohingya refugee na tumatakas sa pag-uusig sa Myanmar. Nag-alok din siya ng tulong sa mga Afghan refugee noong nakaraang taon.
- Latest