'Sasali o ba-backout muli?': Marcos attendance sa Comelec debate nagdulot ng lito

Composite campaign photo of top five presidential candidates for the May 2022 elections.
File

MANILA, Philippines (Updated 3:49 p.m.) — Posibleng ikaapat na malakihang presidential forum na ang hindi dadaluhan ni dating Sen. Bongbong Marcos sa ika-19 ng Marso, matapos ilinaw ng kanyang kampong hindi pa kumpirmado ang kanyang pagdalo sa debateng inihahanda ng Commission on Elections (Comelec).

"Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. has not yet confirmed his participation in the Comelec-sponsored debate which was scheduled from 7pm to 9:30pm. on March 19, 2022," wika ni Vic Rodriguez, tagapagsalita ni BBM, Huwebes.

"His participation in the said event, which will be held at the Philippine Arena in Bocaue, Bulacan will only be confirmed if his hectic campaign schedules permit."

Ang nasabing debate, na una sa tatlong ipinila ng poll body, ay una nang sinabing dadaluhan ni Marcos ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez kanina.

"All of the candidates have signified their commitment to attend the first debate at least. So we're looking forward to that," wika ni Jimenez kanina sa signing ng memorandum of agreement sa pagitan ng Comelec at news outfit na Rappler.

Para patunayan ni Jimenez na nagpahayag na ang kampo nina BBM na pupunta sila ng debate, kontra sa pahayag nina Rodriguez, nagpakita siya ng isang dokumentong may petsang February 11 sa kanyang personal na Twitter account.

Pumunta man si Marcos o hindi, ilan sa makakadalo sa susunod sa debate sina:

Bukluran ng Manggagawang Pilipino chairperson Ka Leody de Guzman

  • dating presidential spokesperson Ernesto Abella
  • Jose Montemayor Jr.
  • dating defense chief Norberto Gonzales
  • Sen. Manny Pacquiao
  • Faisal Mangondato
  • Sen. Panfilo "Ping" Lacson
  • Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso
  • Bise Presidente Leni Robredo

Social media disinformation paksa sa debate

Matatandaang inanunsyo ng komisyong makikipag-partner sila sa nasabing media organization pagdating sa voter engagement at paglaban sa disinformation ngayong 2022 elections.

Kaugnay nito, sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na magiging bahagi ng mga tanong ng paparating na debate ang isyu ng fact checking at fake news, bagay na talamak ngayong paparating na halalan.

"Fact checking of course is a very critical part of the information landscape nowadays, especially since we're seeing a proliferation of... malicious misinformation.""Of course it will figure in the debates. The whole idea of the digital landscape will be part of the things that we'll be talking about in the debates."

History ng atrasan

Ilan sa mga nauna nang inayawan ni Marcos — dahil diumano sa "bias" at "conflict of schedule" — ang mga panayam at forum na inihanda noon ng GMA sa pamamagitan ni Jessica Soho, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at CNN Philippines.

Una nang sinagot ng GMA ang pag-iwas ni Bongbong sa kanila dahil sa paratang na "biased" sila at magiging negatibo laban kay Bongbong habang pinaninindigan ang magandang reputasyon at responsableng pamamahayag ni Soho sa mga nagdaang dekada.

Matatandaang pinili ni Bongbong, na anak ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na pumunta sa "Upuan ng Katotohanan" presidential interviews ni Korina Sanchez habang ipinapakita ang kanyang skills sa pagluluto.

Huling linggo sana ng Pebrero nakatakda ang unang presidential at vice presidential debates na inorganisa ng Comelec, ngunit ipinagpaliban na lang ito sa Marso. Ika-8 ng Pebrero nagsimula ang opisyal na campaign season para sa 2022 national and local elections. — may mga ulat mula sa News5

Show comments