MANILA, Philippines — Kasabay ng pag-atras ng sari-saring 2022 presidential candidates sa Sonshine Media Network International (SMNI) debate, lumalabas na dalawang mayor na kampo ang tiyak na present bukas — sina dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos at militanteng labor leader na si Ka Leody de Guzman.
Ngayong araw lang nang sunud-sunod umatras sa naturang debate ang maraming presidential candidates gaya nina Bise Presidente Leni Robredo, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Panfilo Lacson at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.
Related Stories
"Tutuloy ako sa SMNI debates kahit tila dumadayo ako sa home court ni Marcos Jr.," wika ni Ka Leody, na kilalang anti-Marcos at anti-Martial Law activist sa isang pahayag, Lunes.
"Bilang kandidato, obligasyon kong ilahad ang aking plataporma sa lahat ng botante (kasama ang mga nanlalait sa pagtakbo ng isang labor leader sa pagkapangulo). Kailangan nilang marinig ang lahat ng panig para sa kanilang mas maayos na pagpapasya sa Mayo."
Tinawag ni De Guzman na "home court" ni Bongbong ang SMNI lalo na't una nang inendorso ni Quiboloy ang kandidatura ni BBM.
Una nang sinabi ni Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Bongbong, na dadalo sa SMNI presidential debates ang anak ng diktador at dating Pangulong si Ferdinand Marcos Sr.
Dati nang sinabi ni Bongbong na wala siyang dapat ipaghingi ng tawad sa mga nangyari sa ilalim ng rehimen ng kanyang ama, na siyang nagkulong, pumatay at nag-torture sa libu-libo noong Batas Militar.
Bagama't magkaibang-magkaiba ang pulitika nina De Guzman at Marcos, parehong "pula" ang gamit nilang kulay sa tuwing nangangampanya.
Nakatakdang maganap ang SMNI presidential debates sa ika-15 ng Pebrero sa Okada Manila, mula 6 p.m. hanggang 10 p.m.
Dahilan sa pag-atras ng mga kandidato
Hindi nasikmura ni Pacquiao na paunlakan ang imbitasyon ng SMNI gayong broadcasting arm ito ni Pastor Apollo Quiboloy, na wanted sa Amerika para sa sex trafficking ng mga bata.
Bukod pa riyan, sinampahan din ng libelo at cyberlibel case ni Pacman si Quiboloy, bagay na may kinalaman sa paratang ng nahuli sa diumano'y anomalya sa isang P3.5 bilyong proyekto sa Sarangani.
Iba naman ang naging dahilan ni Lacson kung bakit hindi nagpaunlak sa imbitasyon ng SMNI — ito ay ang hayagang pag-endorso ni Quiboloy sa presidential candidacy ni Marcos at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Pareho namang iginiit nina Robredo at Domagoso ang masikip na schedule at naunang engagements kung bakit hindi makakapunta bukas.
Bagama't nagsiatrasan sina Pacquiao, Robredo, Domagoso at Lacson sa naturang debate, tatlo na ang hindi sinipot na debate at presidential forum ni Bongbong. — James Relativo