MANILA, Philippines — Mananatiling solido ang samahan nina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III hanggang dulo ngayong simula na ng kanilang kampanya bilang pangulo at pangalawang pangulo sa Halalan 2022.
Nagtungo ang tambalan sa Imus Cathedral, Cavite Martes ng hapon, upang hingin ang basbas ng Poong Maykapal sa kanilang muling pagsabak sa pambansang halalan para ayusin ang gobyerno bago tumulak sa kalapit na Imus Grandstand kung saan ginanap ang kanilang proclamation rally.
Kasama ng dalawa ang mga kandidato para sa Senado ng Partido Reporma na sina Dr. Minguita Padilla, dating hepe ng Philippine National Police Ret. PGen. Guillermo Eleazar at dating Makati Rep. Monsour del Rosario.
Sa talumpati ni Lacson, inihayag nito ang battlecry ng kanilang partido na “Aayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino”.
Sa nasabing pagtitipon pinayuhan din niya ang mga kababayan na magising sa katotohanan at pumili ng susunod na lider ng bansa na hindi magnanakaw at isipin din ang kapakanan hindi ng kanilang mga sarili kundi ng mga susunod na henerasyon.
Ang numero uno umanong problema ng bansa ngayon ay ang gobyerno na parang tanggap na ng mga Filipino na ninanakawan sila subalit ibinoboto pa ang mga magnanakaw.