MANILA, Philippines — Dapat siguruhin ng pamahalaan na walang kapalpakan ang contact tracing system sa pagluluwag ng mga travel restrictions at pagbubukas ng Pilipinas sa mga dayuhang turista.
Ito ang iginiit ng Turismo Isulong Mo Partylist kahit na mga fully-vaccinated na turista lamang ang papapasukin sa bansa.
Ayon kay Atty. Marco Bautista, nominee ng Turismo, kailangan fail-safe ang contact tracing para mapigilan kaagad ang paghahawaan kung sakaling may nakapasok sa bansa at madiskubreng positibo sa Covid-19.
Sa ngayon ay ipinatutupad ang wala nang mandatory facility-based quarantine para sa mga darating sa bansa na kumpleto sa bakuna ngunit kailangan nilang magpakita ng negative-result ng RT-PCR test na isinagawa sa nakalipas na 48-oras.
Sinabi ni Bautista, dapat ay tiyakin na maayos ang contact tracing system mula sa pagdating ng mga turista sa bansa hanggang sa pagpunta nila saan mang destinasyon sa Pilipinas para kung saka-sakali ay madali ang pagtugon sa pangangailangan ng sinumang magkakasakit.