MANILA, Philippines — Pinasalamatan ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) si re-electionist at Senator Joel “Tesdaman” Villanueva dahil sa ‘di-matatawarang suporta at tulong nito sa sektor ng edukasyon tulad ng dagdag na pondo para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2022 National Budget.
Kinilala ng PASUC si Villanueva bilang Champion of Higher Technical and Vocational Education sa Senado dahil sa mga sinulong nitong mga batas, inisyatiba at reporma sa edukasyon.
Ilan sa mga ito ay ang Free Tuition Law, Philippine Qualifications Framework Law, Labor Education Law, National Higher Education Day Law, at ang mga batas na nagtatag ng mga bagong satellite campuses at conversion ng mga public college para maging mga state university.
Sa ilalim naman ng 2022 national budget, itinulak ni Villanueva ang tatlong bilyong pisong pondo para sa “smart campus” at ang modernisasyon ng mga pasilidad at kagamitang pang-ICT na magagamit sa flexible learning, ang student assistance program para sa mga mag-aaral ng mga SUCs at ang halos tatlong bilyong pondo para sa Medical Scholarship at pagtatayo ng mga bagong Schools of Medicine sa ilalim ng Doktor para sa Bayan Law na trinabahong maging batas ng Senador.
Sinabi pa ni Villanueva na tuloy ang kanyang misyon at naniniwala siyang lalong kailangan si Tesdaman sa Senado upang hindi maudlot ang mga nasimulang reporma sa edukasyon.