6 anti-vaxx protesters arestado sa paglabas nang walang face mask, bakuna

Anti-vaccine protesters gather at Liwasang Bonifacio in Manila on Tuesday, Jan. 11, 2022 to rail against government restrictions against those who have not received the shot against COVID-19.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Huli ang anim na katao matapos sumuway sa sari-saring health protocols ng gobyerno sa isang protestang ikinasa kontra sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Kaugnay daw ito ng pagtitipon ng nasa 150 katao sa Liwasang Bonifacio Shrine, Ermita, Manila nitong Martes habang hindi nagsusuot ng face masks at nagra-rally laban sa pagbabakuna ng gobyerno.

Pinangalanan ng Manila Police District, Miyerkules, ang anim bilang sina:

  • Antonio Lorenzo Santillan (taga-Laguna)
  • Reynaldo Valeros Jr.(taga-Cavite)
  • Sonia Valeros (taga-Cavite)
  • Albert Muyot (taga- Makati City)
  • Christopher Samarita (taga-Bulacan)
  • Dixie Anthony Parungao (taga-Parañaque City)

Habang nakikipagdayalogo sa Pltcol Dionelle Brannon, station commander ng Ermita Police Station, napag-alaman nilang mga "lider" ang mga nabanggit ng grupong Gising Maharlika.

Aniya, maliban sa hindi pagsusuot nang maayos ng face masks, na nagbibigay proteksyon laban sa COVID-19, bigo raw ang anim sa itaas na magpakita ng vaccination card, na siyang paglabag sa ordinansang "no vaccine, no labas" ng Maynila.

"[They publicly question] government action against COVID-19 pandemic and encourage their members to refuse vaccination," ayon sa MPD kagabi.

"Above named persons were initially  warned about  their protest action while in the present alert [level 3] status but they refused to abide. Hence, numerous cited violation of law that resulted to their apprehension."

Ang mga nabanggit ay haharap sa paglabag ng:

  • R.O. 8627 (Requiring the Mandatory Use of Facemask in All Public Places within the City of Manila)
     
  • RO 8800 (An Ordinance Providing for the Enhanced Vaccination Mandate to Regulate the Mobility of the Unvaccinated Individuals within the Territorial Jurisdiction of the City of Manila and Providing Penalties for the Violation)
     
  • Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act)
     
  • Article 151 ng Revised Penal Code (Disobedience to Person in Authorithy)

Ang pag-aresto ay isinagawa ng pulisiya matapos maglabas ng resolusyon ng Metropolitan Manila Development Authority pagdating sa mga 'di bakunadong lalabas ng bahay sa gitna ng biglang pagdami ng COVID-19 cases. 

Isang linggo na rin ang nakalilipas nang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na paghuhulihin ang mga lalabas ng bahay na ayaw magpabakuna.

Aabot na sa 208,164 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon, ang pinakamarami sa kasaysayan ng bansa. Sumatutal, papalo na sa 3.05 milyon na ang nahahawaan ng sakit locally. — may mga ulat mula kay Franco Luna

Show comments