'No bakuna, no labas' policy ng NCR sang-ayon sa konstitusyon, giit ng MMDA
MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipinatutupad na mobility restriction sa Metro Manila para sa mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 — bagay na hindi naman daw labag sa batas.
Una na kasing sinabi ng grupong Concerned Doctors and Citizens of the Philippines na labag sa 1987 Constitution ang MMDA resolution na naghihikayat ngayon sa 17 mayors ng Kamaynilaan na hindi palabasin ng bahay ang unvaccinated hangga't Alert Level 3.
"'Yung sinasabi nilang unconstitutional, no. I beg to disagree under the [concept of] parens patriae (parent of the nation)," ani MMDA chair Benhur Abalos, Lunes, sa isang public briefing.
"Ang state ay napaka-importante. We are on a crisis mode here."
Kaugnay ng naturang MMDA resolution, naglabas ng kanya-kanyang ordinansa ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) para bawalang lumabas ang unvaccinated maliban kung para sa pagkain, gamot, trabaho o medical needs.
Ika-6 lang ng Enero nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang televised address na dapat arestuhin ang mga unvaccinated na lumalabas pa rin ng bahay sa ngayon, lalo na't may "police power" naman ang estado sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Why are we doing this? Precisely to help the unvaccinated... This is under police power of the state. Sana maunawaan nila na with this... Omicron which is highly infectious... in effect we are trying to protect the unvaccinated," dagdag pa ni Abalos.
"Kung after one week mag-Alert Level 2, pwede na sila lumabas uli."
Tinatayang magtatapos sa Sabado, ika-15 ng Enero, ang Alert Level 3 sa Metro Manila. Gayunpaman, sinabi ni Abalos kanina sa hiwalay na Laging Handa briefing na suportado ng Metro Manila mayors na panatilihin sa Alert Level 3 ang NCR.
Paglilinaw pa ng MMDA, hindi pwedeng isisi sa kanila na kinakailangang magpa-RT-PCR test maya't maya ang mga workers na kailangang pumasok ng trabaho, lalo na't inulit lang naman daw nila ang sinasabi ng resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa huling datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na 85% sa mga hospitalized at gumagamit ng oxygen sa mga COVID-19 patients ay pare-parehong hindi fully-vaccinated. 93% naman ng mga namamatay sa naturang virus hindi wala pa ring kumpletong proteksyon laban dito.
CHR tutol arestuhin unvaccinated
Pinalagan naman ng sari-saring grupo ang ebas ni Digong na ipakulong ang mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 na pipilitin pa ring lumabas ng bahay.
"While the 1987 Constitution provides that liberty of movement can be restricted in the interest of national security, public safety, or public health, it still requires a law to make the said restriction legal," ani Commission on Human Rights spokesperson Jacqueline Ann de Guia nitong Sabado.
"Presently, there is no law that makes being unvaccinated a crime, nor is there any law that would satisfy the Constitutional provision on curtailing freedom of movement. Any arrest made on these grounds may be illegal; thus, violative of the Constitution and our guaranteed human rights."
Sabi pa ni De Guia, na isa ring abogado, kakaianganin ding may arrest warrant laban sa mga huhulihin dahil lalabag na ito sa due process ng Saligang Batas.
Aniya, hindi pwedeng arestuhin "flagrante delicto" ang unvaccinated kahit mahuli pa sa akto ng otoridad dahil hindi ito krimen na alinsunod sa anumang batas.
"Government should also contemplate the repercussions of such a directive considering that our jails and other detention facilities are already congested, which may further worsen transmission of COVID-19," saad pa ng CHR official.
Ganito rin naman ang palagay ni Communist Party of the Philippines (CPP) chief information officer, habang iginigiit na dapat pagpapaliwanag at hindi kalaboso ang iharap sa mga hindi nakakapagpabakuna na lumalabas.
Dagdag pa nila, dapat nang gawing "open source" ang produksyon ng COVID-19 vaccines para mababilis ang paggawa ng mga gamot at mapababa ang presyo nito.
Duterte's vaccine mandate is fascist and violates people's rights. Vaccine questions should be met with explanations and not arrests. People who cannot have them should be assisted and not punished. More compassion and understanding needed for the majority who are unvaccinated. pic.twitter.com/gs2mz0wyud
— Marco Valbuena (@cpp_marco) January 8, 2022
— James Relativo
- Latest