MANILA, Philippines — Inilagay umano sa panganib ng Bicameral Conference Committee (Bicam) ang mga NPA-cleared barangay nang tapyasan nito ang 2022 ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa balitaan ng NTF-ELCAC, sinabi ni DILG Undersec. Jonathan Malaya na ang malaking binawas sa budget ay makakaapekto sa Barangay Development Program (BDP) at kailangan mapagpulungan ng task force upang magawaan ng paraan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan kung paano tutuparin ang mga ipinangako sa mga barangay.
Hindi aniya malayong mangyari na mabalik ang mga barangay sa kamay ng CPP-NPA-NDF.
Pangamba pa ni Malaya, posibleng may mga barangay na hindi na mabigyan ng BDP funds o kaya naman ay bawas na pondo na lamang ang matanggap dahil sa laki ng ibinawas ng mga mambabatas na kabilang sa Bicam.
Dagdag pa ni Malaya, ang mga proyekto ng BDP sa susunod na taon ay mapupunta sana sa 1,406 mga barangay na dumaan na sa mahabang proseso kung ano ang mga unang nais nilang pangangailangan na mailagay sa kanilang mga lugar.
Paliwanag ni Malaya, hindi pork barrel projects ang BDP dahil makikita ang mga priority projects ng mga barangay na dapat nang maisakatuparan.