Pagbabalik ng ABS-CBN ‘niluluto’ sa Kongreso
MANILA, Philippines — Tila “niluluto” na umano sa Senado at Kamara ang pagbabalik ng franchise ng ABS-CBN, ayon sa Volunteer Against Crime and Corruption o VACC.
Dahil dito kaya umapela si Atty. Ferdinand Topacio, chief legal counsel ng VACC, sa dalawang kapulungan ng kongreso na ipagpaliban muna ang anumang hakbang sa plenaryo sa kontrobersyal na Senate Bill 1530 na inihain ni Senate Minority leader Franklin Drilon at House Bill 7923 na inihain ni Rep. Joy Tambunting.
Ginawa ni Topacio ang pahayag dahil inaasahan umano sa susunod na linggo na tatalakayin sa Senado ang panukala ni Drilon na naglalayong amyendahan ang Section 18, Book VII, Chapter 3 ng Executive order 292 na nagsasaad na “the franchise or license that needs a congressional grant will not expire as long as the franchise or license holder makes “timely and sufficient application for the renewal of a license or franchise xxx until the application shall have been finally determined by the xxx branch of government that grants or renews such xxx franchise.”
Ang SB 1530 ay inihain ni Drilon noong Mayo 13,2020, subalit sinabi ni Topacio na sa nasabing araw din inihain ang HB 7923 ni Parañaque Rep. Joy Tambunting na isa umanong producer sa ABS-CBN mula 1988 hanggang late 90’s at itinalaga rin bilang isa sa tagapangasiwa ng mga top-rated entertainment content ng nasabing istasyon.
Sa ginanap na congressional hearings para sa renewal ng ABS-CBN franchise, sinabi ni Topacio na ang mga mambabatas na sumusuporta sa istasyon ay paulit-ulit nakikipagtalo na payagang ipagpatuloy ang operasyon habang ang isyu ng renewal ay tinatalakay, kahit na nagtapos na ang expiration nito.
Paliwanag ni Topacio, ito rin ang katulad na probisyon na matatagpuan sa panukalang amyenda nina Drilon at Tambunting kahit iginigiit niya na ang nasabing legal position ay hindi mapapanatili dahil sa doktrina na “no franchise, no operation”base na rin sa kaso ng Associated Communications v NTC na nadesisyunan noong 2003 na si Chief Justice Reynato Puno ang nagponente.
- Latest