COVID-19 threat: DOH nabahala sa 'overcrowded' event ng 2022 presidential bet sa Nueva Ecija
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Health (DOH) pagdating sa political event na ikinasa ng ilang kakandidato sa 2022 national elections sa isang probinsya, bagay na maaari pa raw pagmulan ng hawaan ng nakamamatay na COVID-19.
Ito ang sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes, matapos ang siksikan ng libu-libong supporters ng tandem nina presidential at vice presidential aspirants Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte sa naturang probinsya nitong Linggo.
"[The Department of the Interior and Local Government] also mentioned na bawal ang mga ganitong political campaigns dahil it causes po overcrowding and it might be a source of infections in the coming days," ani Vergeire kanina.
"Kaya kami po, nananawagan kami uli, sa atin mga opisyales, sa atin pong mga kumakandidato para sa darating na eleksyon, sana po 'wag ho tayong mag-hold ng mga gatherings o mga events na alam natin that will cause overcrowding. And this might cause [COVID-19] infections in the coming days or weeks."
Dinagsa at mainit na sinalubong ng mga tagasuporta ang pagbisita ng tandem nina Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte sa Nueva Ecija. #BilangPilipino2022
— News5 (@News5PH) December 6, 2021
????: Team BBM 2022, Marcos Media Bureau pic.twitter.com/or7lhCZPkM
Makikita sa mga photos na kumalat nitong weekend na wala man lang suot na face mask si Bongbong, anak ng yumaong diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., habang humaharap sa sandamukal na loyalista.
Nangyayari ang lahat ng ito ngayong nakalagay na sa maluwag-luwag na Alert Level 2 ang buong Pilipinas.
Dati nang tinamaan ng COVID-19 si Marcos, na dati ring senador at natalo sa pagkabise presidente noong 2016 national elections. Nagka-COVID na rin noon si Inday Sara ngayong 2021 lang.
"Actually we heard the Commission on Elections also last week stating na sila ay magbibigay din ng mga paalala sa ating mga kandidato ukol dito sa mga overcrowding na nangyayari," dagdag pa ni Vergeire.
"Parating po ang Pasko ngayon so sana po mapanatili po nating mababa ang ating mga kaso para naman po magkaroon tayo ng masayang Pasko para sa buong Pilipinas."
Ipinagbabawal na kampanya habang pandemya
Nobyembre lang nang ilabas ng Comelec sa kanilang 21-pahinang "new normal" guidelines na lubhang ipinagbabawal ang anumang physical contact sa mga kandidato, kanilang mga kasama at publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga sinasabing ipinagbabawal ang:
- pakikipagkamay
- pagyakap
- paghalik
- pagkakapit-bisig (kasama ang pagkuha ng selfie o litrato)
- iba pang kahalintulad na aktibidad na nangangailangan ng paglapit sa kandidato, kanilang mga kasama at publiko)
Kasama sa mga itinuturing na in-person campaigning para sa 2022 national and local elections ang mga:
- rally
- caucus
- pulong
- convention
- motorcase
- caravan
- miting de avance
Ang pagsuway dito ay sinasabing paglabag Omnibus Election Code at election health protocols na maaaring ika-disqualify ng isang kandidato bago ang Mayo 2022. Ang pagsuway din sa nauna ay pwedeng ikakulong hanggang anim na taon at maaaring tanggalan ng karapatang bumoto.
Ang mga lalabag sa minimum public health standards ay pwedeng pagmultahin ng hanggang P50,000 at/o makulong ng hanggang anim na taon.
Gayunpaman, ika-8 ng Pebrero hanggang ika-7 ng Mayo, 2022 pa ang campaign period para sa mga kakandidato sa pambansang antas, dahilan para hindi pa talaga ipagbawal ang mga nabanggit. — may mga ulat mula sa News5
- Latest