63% Pinoy nagsabing mahirap sila noong Disyembre
MANILA, Philippines — Tumaas sa 63 porsiyento o 17.4 milyong pamilyang Pinoy ang ikinokonsidera ang sarili na mahirap, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na ginawa noong Disyembre 2024.
Lumitaw sa survey noong Disyembre 12-18 na ang Self-Rated Poor Families ay tumaas ng apat na puntos mula sa 59 porsyento noong Setyembre 2024.
Sinabi pa ng SWS na ang December survey ang pinakamataas na Self-Rated Poor Families sa loob ng 21 taon mula sa 64% noong Nobyembre 2003.
Nabatid pa na ang 2024 annual average Self-Rated Poor Families na 57% ay mas mataas sa 48% annual average na naitala noong 2023 at 2022.
Samantala, ang December 2024 survey ay nagpapakita na 11 porsyento sa mga pamilyang Filipino ang ikinokonsidera ang sarili na nasa borderline o sa gitna ng poor at not poor classifications.
Nasa 26 porsyento naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Ang Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga mahirap (76%), sinundan ng Visayas (74%), Balance Luzon (55%) at Metro Manila (51%).
- Latest