Budget deliberation ng Senado suspindido matapos magka-COVID-19 si Lorenzana
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Senado ang budget deliberation na naka-schedule sana kahapon matapos na magpositibo si Defense Secretary Delfin Lorenzana na dumalo sa plenary debates noong Martes.
Dahil dito, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na magsasagawa na rin muna ng disinfection sa Senado at isasailalim sa RT-PCR testing ang mga nagkaroon ng close contact kay Lorenzana.
Muling ipagpapatuloy ang deliberasyon sa 2022 proposed national budget na nagkakahalaga ng P5.024-trillion sa Lunes, Nobyembre 22.
Gagawin na ring mas mahigpit ng Senado ang protocol nila sa mga dadalo sa session.
“Gawin na nating mahigpit ngayon, 24-hours . . . This is going to be the new protocol by the Senate. You cannot enter the Senate if you do not have a swab-PCR test or swab-antigen within 24 hours,” ani Sotto.
Iginiit pa ni Sotto na dapat naka-home quarantine pa si Lorenzana dahil galing siya sa Poland at hindi naman niya bahay ang Senado.
Base sa patakaran umano ng IATF, kapag nanggaling sa non-green country tulad ng Poland, dapat ay mag-home quarantine ng 10-14 araw kahit ang Pope, Pangulo, Pangalawang Pangulo at lahat ng mga taga gobyerno.
Base sa website ng Department of Foreign Affairs, si Lorenzana ay dumalo sa Bilateral meeting sa Poland mula Nobyembre 6-13 at umuwi dito sa bansa noong Nobyembre 14.
Ito na ang ika-2 beses na nagpositibo sa COVID-19 si Lorenzana. Una nang nagka-COVID-19 ang kalihim noong Abril 2021. Pinayuhan naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na kasama ni Lorenzana o nakasalamuha nito na magpa-swab test na rin.
- Latest