MANILA, Philippines — Pumalag ang Commission on Elections (Comelec) sa pagtanggap ng anumang "padulas" mula sa kampo ng mga kandidato habang papalapit ang halalan — kahit na hindi mo iboto ang kanilang mga manok.
Martes kasi nang ipayo ni Bise Presidente Leni Robredo sa mga botanteng tanggapin ang pera oras na suhulan sa mga election campain pero iboto pa rin ang nais na kandidato. Ito'y kahit aminado siyang hindi maganda ang pagbili ng boto. Aniya, pera 'yan ng taumbayan na bumabalik lang sa kanila.
Related Stories
"I disagree with the notion of taking the money and voting according to your conscience. Vote buying is an election offense regardless of financial situation or noble intentions," wika ni Comelec spokesperson James Jimenez, Miyerkules.
"'Di dapat ginagawa, at di dapat sina-suggest yan sa mga botante."
I disagree with the notion of taking the money and voting according to your conscience. Vote buying is an election offense regardless of financial situation or noble intentions. Di dapat ginagawa, at di dapat sina-suggest yan sa mga botante.
— James Jimenez (@jabjimenez) October 26, 2021
Inilinaw naman ni Robredo ngayong umaga sa isang online press conference na hindi pagkunsinti sa naturang election offense ang kanyang sinabi, ngunit pagkilala lang sa mga katotohanan na nangyayari sa laylayan.
"'Yung sinabi ko kahapon, 'yung vote buying, mali 'yon. Pero over the years, very rampant siya dito sa atin," paliwanag ni Robredo, isang presidential bet sa 2022, kanina.
"'Yung frustrating sa lahat dito kasi, hindi maayos 'yung pag-implement noong regulations against vote buying."
Noong 2013, naghain daw si Robredo ng kaso sa prosecutor's office dahil sa dami ng ebidensya ng vote buying. Gayunpaman, nadi-dismiss lang ang kaso.
Hindi naman na bago ang ipinapayo ni Robredo at matagal nang ginagawa nang maraming botante noon pa man para makaluwag gamit ang pera habang naiboboto ang nais.
Una nang ipinangako ng Philippine National Police ang mga mekanismo laban sa vote buying sa pamamagitan ng cash transfers nitong taon.
Ayon pa sa Comelec at Bangko Sentral ng Pilipinas, isa ang pagbabayad sa mga botante gamit ang mga sebisyo gaya ng GCash na kailangang bantayan sa ngayon.
Labag sa Batas Pambansa 881 series of 1985 ang parehong "vote buying" at "vote selling," o pagbili at pagbebenta ng boto kapalit ng pera o anumang bagay na may halaga.
May kaukulang kulong na maaaring umabot ng anim na taon ang mga lumalabag sa kahit na anong election offense, habang maaaring ma-disqualify sa paghawak ng anumang public office ast tanggalan ng karapatan bumoto ang guilty party.