MANILA, Philippines — Kinalampag ni dating Ifugao congressman at ngayon ay senatorial candidate Teddy Baguilat ang gobyerno na pigilan ang pagpasok ng smuggled na gulay mula Tsina na aniya’y lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.
Aniya, dapat maghigpit ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BoC) upang pigilan ang ilegal na negosyong ito.
“Simula noong isang taon, ang ating mga magsasaka ay nagdurusa dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 dahil sarado ang mga merkado na dati nila dinadalhan. Kapag na-smuggle ang mga gulay mula Tsina, may yumayaman maliban sa ating mga magsasaka. “Agad-agad bagsak ang presyo ng mga lokal na gulay dahil hindi makalaban sa mga ini-smuggle na gulay,” wika ni Baguilat.
Sinabi niya na ang pagdagsa sa mga pamilihan ng mga ini-smuggled na gulay ay lubhang makakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at sa food security ng bansa.
Ayon sa ulat ng United Nations’ Food and Agriculture Organization (FAO), 59 milyong Pilipino ang nakaranas ng food insecurity, o bahagya hanggang malubhang kawalan ng pagkuha ng pagkain.
“Ang ating mga magsasaka ay may pamilyang dapat pakainin at mga trabahador na dapat paswelduhin. Paano sila makakalaban ng patas kung ang ating gobyerno ay maluwag sa pagpigil ng pagpasok ng mga ilegal na gulay mula Tsina? Sila ay lubhang tinamaan dahil sa pandemya dahil hindi nila madala ang kanilang mga ani sa Metro Manila at mga probinsiya dahil sa batas na ipinapatupad,” wika ni Baguilat na tumatakbo sa ilalim ng team ni Vice President Leni Robredo.