MANILA, Philippines — Nanindigan si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang paglabag sa Konstitusyon sa pagpapautos ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag dumalo ang mga miyembro ng kaniyang gabinete sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado ukol sa pagbili ng mga PPEs ng pamahalaan.
Ikinatwiran niya na ang inilabas na memorandum ay nakatuon lamang sa isang partikular na pagdinig kaya hindi nilalabag ng Office of the President ang awtoridad ng Kongreso na magsagawa ng mga imbestigasyon.
Sinabi pa ng kalihim na naniniwala siya na ang pagpapalabas ng kautusan ay para iprotesta ang pamamaraan ng pagsasagawa ng pagdinig sa sinasabing ‘overpriced’ na mga PPEs na binili ng gobyerno sa Pharmally.
Sa ilang linggong pagdinig, sinabi ni Guevarra na dapat ay malinaw na kung may mga paglabag sa batas na nangyari upang makalikha o mag-amiyenda ng batas ang Senado.