MANILA, Philippines (Updated 2:36 p.m.) — Pormal nang nag-file ng kanilang certificates of candidacy (COC) si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso at running mate na si Dr. Willie Ong para sa pambansang halalang sa Mayo 2022.
Lunes nang ihain nina Domagoso at Ong ang kanilang COC sa pagkapangulo at pagkabise presidente sa ikaapat na araw ng filing ng candidacy sa Commission on Elections (Comelec).
Related Stories
"Ngayon mga kababayan, tanggapin niyo po ang aplikasyon ko. Buong kababang loob, ako po ay tumatakbong pangulo ng bansa at aplikante ninyo," ani Domagoso, isang actor-turned-politician, sa isang talumpati.
"Mga kababayan, sa dami ng ating suliranin, sa tulong ninyo, bigyan niyo lang ak ng pagkakataon na kayo ay mapaglingkuran sa buong bansa at ating mga kababayan na nasa buong mundo."
Nitong Setyembre lang nang opisyal na ianunsyo ng dalawa ang planong tumakbo sa susunod na taon sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko, habang idinidiing kaya nilang makipagtrabaho sa parehong taga-administrasyon at oposisyon basta't makatutulong sa karaniwang tao ang pinag-uusapang programa.
Magiging parte ng senatorial slate nina Domagoso at Ong ang opposition at dating Otso Diretso candidate na si Samira Gutoc, kasama na rin ng education entrepreneur na si Carl Balita.
Una nang sinabi ni Domagoso na ipagpapatuloy niya ang relasyon ng Pilipinas sa mga international organizations gaya ng International Criminal Court (ICC), na layong imbestigahan ang "crimes against humanities" ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong war on drugs. Aniya, kailangan daw obserbahan ang rule of law. Gayunpaman, hindi klaro kung makikipagtulungan siya para mapanagot si Digong.
Kahit na kumalas na ang Pilipinas sa ICC nitong Marso 2019, ilang observers na ang nagsasabing pwedeng imbestigahan at litisin pa rin ang mga krimeng nangyari bago ang petsang 'yan kung kailan miyembro pa ang Pilipinas.
Una nang usap-usapang tatakbo si Domagoso sa pagkabise matapos niyang paringgan si Digong, na nagsabi na noong tatakbo sa vice presidential post, pagdating sa kanilang "paghaharap" ngayong Oktubre.
"Nandito po ako si Doc Willie Ong, tumatakbong vice president ni Mayor Isko. Matagal kaming nag-usap at marami kaming magandang plano para sa bayan, especially ang focus natin ay sa pagtulong sa ating ekonomiya, sa pagkain, sa kalusugan at sa trabaho," dagdag ni Ong, na dating natalo noong tumakbo sa pagkasenador noong 2019.
"At ang pinaka-focus namin nga ay maghilom 'yung bansa. Hindi tayo magfo-focus sa mga away pulitika kasi nakita natin doon nagkakaroon ng problkema at doon bumabagal ang tulong ng gobyerno."
Sa kabila nito, pinagsususpetyahan ng ilan na "secret Duterte candidate" si Isko, bagay na kanya namang itinanggi na. Aniya, bukas na bukas pa rin makipagtulungan ang kanilang grupo sa mga miyembro ng oposisyon, "dilaw, pula, atbp."