Solon nababahala sa smuggling ng tabako
MANILA, Philippines — Dahilan sa smuggling ng sigarilyo, hindi lamang mga lokal na magsasaka ang nawalan ng kita kundi nababawasan din ang pondo para sa Universal Health Care (UHC) program.
Sinabi ni House Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep. Deogracias Victor Savellano sa kanyang privilege speech na kung walang smuggling ay mas malaki pa sana ang makokolektang buwis ng gobyerno sa sigarilyo at mas magiging malaki pa ang kita ng mga magsasaka ng tabako.
Ayon pa kay Savellano, na base sa datos ng National Tobacco Administration na 2.2 milyong Filipino ang direktang kumikita sa pagtatanim, paggawa at distribusyon ng tobacco product at hindi pa kasali dito ang ibang sektor na may kaugnayan sa paggawa ng sigarilyo.
Lumalabas din na mula sa P32 bilyon noong 2012 ay umakyat sa P148.5 bilyon ang nakokolektang excise tax sa mga produktong tabako noong 2020, habang ngayong taon ay P177 bilyon ang inaasahang makokolekta ng gobyerno.
Idinagdag pa ng kongresista na mas mataas pa sana ang nakolekta ng gobyerno kung hindi dahil sa smuggling.
Sinabi naman ni Albay Rep. Joey Salceda sa isang pagdinig sa Kamara na umaabot sa P30-P60 bilyon ang nawawalang kita sa gobyerno dahil sa smuggling sa sigarilyo na pondo na sana para makatulong sa pagpapatupad ng mga programa ng Philhealth.
Mula 2019 hanggang Hunyo 2021, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na sigarilyo ang numero unong kontrabando na ipinapasok sa bansa.
- Latest