Indigenous People, pinagbibitiw si Rep. Cullamat, Makabayan Bloc
MANILA, Philippines — Dahil sa kabiguang isulong ang kapakanan ng mga tribu ng Indigenous People (IP), pinagbibitiw ni Datu Rico Maca, Municipal Indigenous People Mandatory Representative ng San Miguel, Surigao del Sur si Bayan Partylist Rep. Eufenia Cullamat at mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso.
Sa virtual balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni Maca na bagamat nabibilang si Cullamat sa IP na Manobo Tribe, tinalikuran nito ang kanyang pangako at sa halip ay nakikipagsabwatan sa Makabayan Bloc sa mga pagpaslang sa mga lider ng mga tribu na sumasalungat sa mga agenda ng CPP-NPA-NDF.
Sinabi ni Maca na walang plano para sa kapayapaan si Cullamat gayundin sa mga kabataan na taliwas sa pangako nito na magiging boses ng tribu sa Kongreso. Ginagamit lamang nito ang posisyon para lamang sa pangsariling interes at kapakanan ng komunistang-teroristang samahan.
Dahil dito, sinabi ni Maca na nagpasa ng 126 resolusyon ang kanilang mga tribu na kasapi sa Indigenous Cultural Communities/Indigenous People (ICCs/IPs) at idineklarang ‘persona non grata’ na si Cullamat sa kanilang mga ancestral lands.
- Latest