^

Bansa

Duterte io-audit COA, sarili bilang VP? Maglabas kaya muna siya ng SALN — solon

James Relativo - Philstar.com
Duterte io-audit COA, sarili bilang VP? Maglabas kaya muna siya ng SALN — solon
Litrato ni Pangulong Rodrigo Duterte habang nakikipagpulong sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ika-26 ng Agosto, 2021
Presidential Photos/King Rodriguez

MANILA, Philippines — Binanatan ng sari-saring mambabatas ang patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) nitong Huwebes, na kamakaila'y sumita sa sari-saring ahensya ng gobyerno dahil sa aniya'y "kwestyonableng" paggamit at paggastos ng pondo.

Huwebes ng gabi nang sabihin ni Digong na siya na ang mag-o-audit sa COA, maging sa sarili niya, kung mananalong bise presidente sa 2022.

"I will do that if I become vice president. Ako na lang rin ang mag-audit sa lahat ng gobyerno. Lahat, pati 'yung akin, mag-umpisa ako sa akin. But just tell me... I have been really trying to figure out in this democratic setup... sinong au-audit ng COA? That is my question."

Nasa 11 araw na ang nakalilipas nang kastiguhin ni Duterte ang COA at utusan itong itigil ang paglalabas ng audit reports habang 'di pa tapos ang kanyang administrasyon, kahit taun-taon naman itong ginagawa ng komisyon.

Ilan sa mga "kwestyonableng" paggastos ng gobyerno ang pinuna ng COA nitong mga nagdaang araw ang P67.3-B COVID-19 response funds ng Department of Health, P170.273 milyong halaga ng electronics devices na binili ng Department of Information and Communications Technology mula sa isang construction firm, paglilipat ng P160 milyon ng Technical Education and Skills Development Authority sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict atbp.

Isyu ng SALN, ethics

Ayon sa ilang miyembro ng progresibong Makabayan bloc sa Kamara, kabalintunaang nagprepresenta si Duterte mag-audit ng katiwalian sa gobyerno gayong hindi siya naglalabas ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) — bagay na hihingi ng Article XI Section 17 ng 1987 Constitution at Republic Act 6713.

"Meron ka pang walong buwan sa iyong panunungkulan para patunayan 'yung sinasabi mong walang korapsyon sa iyong pamahalaan. Unahin mo na 'yung sarili mo, ilabas mo 'yung SALN [mo] na matagal nang mandated ng batas," ani ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Biyernes.

"Wala kang karapatan na magsabi ng tungkol sa pagsugpo sa korapsyon. Nakita naman natin 'yung administrasyon mo na puno ng korapsyon."

Hindi pa rin isinasapubliko ni Duterte ang kanyang SALN simula 2018 hanggang 2020, na magpapakita sa kabuuan ng kanyang ari-arian, pagkakautang, atbp. Ilan sa mga humihiling nito ang Philippine Center for Investigative Journalism.

Madalas gamitin ang SALN para silipin kung may katiwalian sa isang opisyal. Gayunpaman, nilimitahan ng Office of the Ombudsman noong 2020 ang access sa SALNs ng government officials.

Ayon naman kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, "napaka-unethical" ang plano ni Duterte na i-audit ang sarili, bagay na ginagawa dapat ng isang independent body. Kasabay nito, unethical din daw ang plano ni Duterte na tumakbong bise presidente sa 2022

Bagama't presidente lang ang binabawalan ng konstitusyon tumakbo para sa re-election, pwede uling maging presidente ang bise kung matatanggal sa posisyon ang pangulo.

Hindi trabaho ng VP, independent body kailangan

Pare-pareho namang kwinestyon ng ilang senador ang mga pinagsasabi ni Digong sa kanyang talumpati kagabi, lalo na't wala naman daw sa trabaho ng bise presidente ang pag-o-audit ng COA.

"'Di kasama doon sa powers and function ng vice president yung mag-audit. That power was given specifically to COA, kaya kahit vice president na siya I don’t think he can do that," wika ni Sen. Nancy Binay sa panayam ng ANC kanina.

Naiintindihan naman daw ni Binay ang tanong ni Duterte kung sino ang sumisilip sa COA, lalo na't napag-alaman niyang sila rin ang gumagawa nito para sa kanilang sarili. 

Gayunpaman, pabor si Binay na magtayo na lang ng hiwalay na independent body para i-audit ang COA upang maiwasan ang conflict of interest. 

ALLIANCE OF CONCERNED TEACHERS

COMMISSION ON AUDIT

CORRUPTION

GABRIELA

MAKABAYAN BLOC

NANCY BINAY

RODRIGO DUTERTE

SALN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with