Nagpopondo sa NPA, ikukulong-NICA
MANILA, Philippines — Posibleng humantong sa pagkakakulong ang mga indibiduwal o kompanya na nagbibigay ng tulong o revolutionary tax sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Alex Paul Monteagudo na inaayos na nila ang mga listahan ng mga kompanya at indibiduwal gayundin ang ebidensiya na nagbibigay ng Rebolusyunaryong Buwis Ukol sa Kaaway na Uri (RBUKU) sa mga NPA para sa kaukulang kaso.
Lumilitaw sa datos ng NICA na may kabuuang P5.4 bilyon ang pondo ng komunistang-terorista na mula sa pangingikil sa loob lamang ng tatlong taon mula 2016 hanggang 2018. Nanguna rito ang mining at quarrying na umaabot sa higit P3 bilyon at P13.5 milyon naman galing sa mga telecom companies. Kasama rin ang agri at fishpond business, transport companies at construction companies.
Dagdag pa ni Monteagudo, maging ang mga pulitiko ay nakapagbigay na ng P76.7 milyon sa CPP-NPA-NDF lalo na sa panahon ng eleksiyon. Samantala ang iba pang mayayamang indibiduwal ay nakapagbigay din ng P121.5 milyon.
Sa pagbibigay ng ganitong malalaking halaga ng RBUKU o mga kikil na pondo sa CPP-NPA-NDF, sinabi ni Monteagudo na taumbayan bilang mamimili o consumers ang nagdudusa dahil ipinapasa rin ito ng mga negosyante sa kanilang mga customer.
- Latest