VP bid ni Sotto suportado ng ‘FATE’
MANILA, Philippines — Suportado ng grupong Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) ang pagtakbo ni Senate President Vicente Sotto III para sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.
Sinabi ng FATE na bilang grupo na nagsusulong ng transparency sa public governance ay nagsagawa sila ng pag-aaral sa mga political personalities na sa tingin nila ay maaaring kumandidato sa susunod na halalan.
Bukod kay Sotto, suportado rin ng grupo ang muling pagbabalik sa Senado ng mga dating senador na sina Antique Rep. Loren Legarda, Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero at Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Gregorio “Gringo” Honasan.
Samantala, nanawagan naman ang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng delicadeza sa balak na pagtakbo sa pagka-bise presidente sa susunod na halalan.
Dapat ay igalang umano ng pamilya Duterte ang Malacañang na hinawakan na rin ng ibang magagaling na lider na humubog sa kasaysayan ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Duterte noong Hulyo 17, na tatakbo na lang sa pagka-VP para makakakuha ng immunity sa anumang kasong maaring isampa laban sa kanya.
- Latest