Noynoy Aquino sa 'Libingan ng mga Bayani'? Malacañang nagsalita

Litrato nina presidential spokesperson Harry Roque (kaliwa) at dating Pangulong Noynoy Aquino (gitna) sa tabi ng Libingan ng mga Bayani (kanan)

MANILA, Philippines — Nasa pamilya Cojuanco-Aquino na raw ang bola kung nais nilang ipalibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Benigo "Noynoy" Aquino III, pagbabahagi ng Palasyo.

Ngayong Huwebes lang kasi nang mamatay sanhi ng renal disease secondary to diabetes ang ika-15 pangulo ng Republika ng Pilipinas.

"Well of course, kung gusto po ng pamilya na mailibing sa Libingan ng mga Bayani, talaga naman pong pupuwedeng mailibing doon ang ating mga dating presisdente," ani presidential spokesperson Harry Roque kanina sa isang press briefing.

"But that is the choice of the family."

Wala pa namang balita kung magdedeklara ng "araw ng pagluluksa" si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinalitang opisyales sa parehong pwesto.

Aquino at Marcos sa iisang sementeryo?

Matatandaang may basbas ni Digong ang pagpapalibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sa kabila niyan, "depende" kung ituring ni Digong kung bayani si Marcos.

Si Marcos ay kilalang pinakamatinding karibal sa pulitika ni dating Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr., ang ama ni Noynoy. May bahay naman ni Ninoy si dating Pangulong Corazon "Cory" Aquino, na siyang pumalit kay Marcos bilang presidente.

Bagama't matagal nang napatalsik sa Palasyo ang mga Marcos, kasalukuyang nakaupo sa Senado si Sen. Imee Marcos, na anak ng diktador.

Isa naman si dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos sa mga pinapipiliin ni Duterte na iendorso sa pagkapangulo sa 2022— James Relativo

Show comments