Pamilya Aquino: Sakit sa bato, diabetes ang ikinamatay ni Noynoy

In this July 2014 photo, lawmakers and officials welcome then-President Noynoy Aquino who arrives at the Batasang Pambansa in Quezon City to deliver his State of the Nation Address.
Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines — Kinumpirma na ng pamilya ng kaanak at mga kapatid ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng ika-15 presidente ng Republika ng Pilipinas.

Sa livestream ng kapatid na si Kris Aquino, idinaan ng pamilya ang opisyal na pahayag patungkol sa kanyang pagpanaw.

"On behalf of our family, I am confirming that our brother, Benigno 'Noynoy' S. Aquino III, died peacefully in his sleep," ayon kay Pinky Aquino-Abellada na kapatid ng dating pangulo, Huwebes.

"His death certificate pronounced his death at 6:30 a.m. due to renal disease secondary to diabetes."

 

 

Una nang kinumpirma ng isang source sa Philstar.com na merong diabetes si Noynoy, maliban sa pagsailalim sa dialysis tatlong beses sa isang linggo — isang procedure na ginagawa para tanggalin ang waste products at sobrang fluid dahil sa hindi maayos na paggana ng bato.

Dahil diyan, sinabi ng kanyang political affairs adviser na si Ronald Llamas, nag-aantay si Aquino ng kidney transplant. Nasa 100 pounds na lang din daw ang timbang ng dating state leader.

"No words can express how broken our hearts are, and how long it would take for us to accept the reality that he is gone," patuloy ni Pinky.

"Mission accomplished ka, Noy. Be happy now with dad and mom. We love you and we are so blessed to have had the privilege to have had you as our brother. We will miss you forever, Noy."

Walang iiwang asawa at anak si Noynoy at siya nang ikalawang Aquino na umupo sa Palasyo matapos mamatay ni dating Pangulong Corazon "Cory" Aquino.

'Simpleng public servant'

Bagama't matinding kritiko ni Aquino ng kanyang Liberal Party ang ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kinilala naman ng Malacañang ang kanyang naging ambag para itaguyod ang bansa.

"Nakikiramay po kami at ang achievement po niya, nanungkulan po sa isang demokrasya. At siyempre po, inaalala rin natin 'yung order niya na na 'walang wang-wang,'" ani presidential spokesperson Harry Roque kanina habang tinutukoy ang pagtanggi ni Aquino sa special treatment ng mga nasa katungkulan.

"At maaalala natin siya bilang isang simpleng public servant na hinalal po ng taumbayan."

Hindi pa masabi sa ngayon ni Roque kung may balak ang Palasyo na magdaos ng state funeral sa gitna ng COVID-19 pandemic. Wala pa rin namang impormasyon kung magdedeklara ng "days of mourning" para kay Noynoy. Matatandaang 'yan ang isinagawa noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang pumanaw si Cory noong 2009.

Naka-"half mast" naman ngayon ang lahat ng watawat ng Pilipinas sa Malacañan Palace bilang pagluluksa sa pagkamatay ng yumaong lider.

 

Show comments