MANILA, Philippines — Sinagot ni "Pambansang Kamao" Sen. Manny Pacquiao ang pagmamaliit ng kapartidong si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-intindi niya sa foreign policy, habang idinidiing dapat tumindig ang Pilipinas mula sa pangangamkam ng teritoryo ng Tsina sa West Philippine Sea.
Martes kasi nang banatan ni Digong ang pagkadismaya ni Pacman sa paghawak ng isyu ng soberanyang karapatan sa West Philippine Sea, lalo na't "joke" lang ang 2016 campaign promise ng naunang mag-jet ski sa exclusive economic zone (EEZ) ng Maynila na kinokontrol ng Beijing.
Related Stories
Ani Pacquiao, "misinformed" si Digong sa nauna niyang pahayag pagdating sa West Philippine Sea.
"I respect the president’s opinion but humbly disagree with his assessment of my understanding of foreign policy," ayon sa senador kahapon.
"I firmly believe that my statement reflects the sentiment of majority of the Filipinos, that we should stand strong in protecting our sovereign rights while pursuing a peaceful and diplomatic solution to the dispute."
Nangyayari ang sagutan ng dalawa sa gitna ng bangayan ng iba't ibang pigura ngayon sa loob ng PDP-Laban, kung saan pareho silang miyembro. Si Pacquiao ang tumatayong acting president ng partido habang si Digong naman ang chairperson ng PDP-Laban.
Una nang nanawagan si Pacquiao na i-snob ang ipinatawag na national assembly ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na siyang vice chairperson naman ng PDP-Laban. Aniya, wala niya itong basbas. Sa parehong asembliya nagpasa ng resolusyon para kumbinsihin si Duterte na tumakbong vice president sa 2022.
"Well, if it’s about foreign policy, I would not want to degrade him but next time he should — mag-aral ka muna nang husto bago ka pumasok," sabi ni Duterte kahapon patungkol kay Pacquiao.
"Currently this guy has a very shallow knowledge of [foreign policy]."
Bagama't inookupa ng Tsina ang ilang islang inaangkin ng Pilipinas at hindi tinatanggap ng nauna ang 2016 arbitral award ng West Philippine Sea sa Maynila, kilalang malapit na magkaibigan sina Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Hindi tatakbong VP?
Bagama't nananawagan sina Cusi at ang iba pang miyembro ng PDP-Laban na tumakbo si Digong sa ikalawang pinakamataas na pwesto sa gobyerno sa susunod na taon, sinabi na ng presidente na "iniiwasan" niya muna ang mga ganitong panawagan.
Sa resolusyong ibinalangkas ng PDP-Laban, sinabi nilang papayagan nilang si Duterte ang pumili ng makakatambal na presidente.
"That's hard because I will be retiring but this time, I will choose who will be candidate for president," wika niya sa panayam ng SMNI News.
"When that person wins, they will say I am perpetuating myself in power. So I am resisting."
Pinagbabawalan ng 1986 Constitution ang muling pagtakbo ng presidente sa parehong pwesto. Pero kung mapagdedesisyunan niyang tumakbo bilang bise at manalo, pwede siya uling maging pangulo kung matatanggal sa pwesto ang presidente.
Una nang sinabi ng ilang analysts at mambabatas na paraan ito upang mahanapan ng butas ang Saligang Batas para mapalawig ang kanyang termino.